Ano'ng masasabi ng netizens sa 'mamahaling' plastic bag ni Sandara?

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 11:37 PM

Napatunayan muli ng Korean pop star na si Sandara Park ang kaniyang pagiging maimpluwensiya sa fashion matapos pag-usapan sa social media ang "plastic bag" niyang sinasabing nagkakahalagang P30,000.

Sa Instagram ibinahagi noong Lunes ni Park ang retrato niya sa isang mall sa Singapore, bitbit ang isang see-through na plastic bag.

 

퇴근 ✌🏻

A post shared by Sandara Park (@daraxxi) on

Mabilis na kinilala ang bag ni Park bilang isa sa mga likha ng luxury brand na Céline.

Nagkakahalagang $590 o nasa P30,000 ang naturang bag, ayon sa ulat ng American magazine na Teen Vogue.

 

Backstage Summer 18 Collection #CelineSummer18 #celine

A post shared by Céline Official (@celine) on

May ilang netizen na kumuha ng kani-kanilang mga retratong mistulang ginagaya ang retrato ng dating miyembro ng K-pop group na 2NE1.

Pero sa halip na "mamahaling" bag ang bitbit ay ordinaryong supot ang ibinida ng mga ito.

May netizen ding napahugot sa mamahaling bag.

Ibinahagi rin ang retrato ni Park sa Facebook group na "Soshal Climbers Unite!" na pinatatakbo ng blog site na The Soshal Network.

Screengrab mula sa Instagram story ng The Soshal Network

Nagbiro pa sa comments ang isa sa mga nagpapatakbo ng The Soshal Network na si Vivian Tan.

"Ang mahal! Tapos mamromroblema ka pa kasi baka makita suklay mo na ganito," sabi ni Tan sa comment na may kasamang retrato ng tila mumurahing suklay.

Pinag-usapan din sa social media noong nakaraang taon ang retrato ni Park na may dalang bag na binili umano niya sa Divisoria, Maynila.

Tinawag itong "Bayongciaga" dahil sa pagkakahawig sa bag na inilabas ng luxury brand na Balenciaga noong 2016 na nagkakahalaga namang $2,000 o nasa P100,000.

Nagsimula ang showbiz careeer ni Park sa Pilipinas noong 2004 bilang contestant sa ABS-CBN talent search na "Star Circle Quest."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.