Tricycle driver, nagbalik ng cellphone ng pasahero sa Puerto Princesa

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 01:23 AM | Updated as of Apr 18 2018 09:38 AM

PUERTO PRINCESA CITY - Ibinalik ng isang tricycle driver ang naiwang iPhone 7 ng kaniyang pasahero rito nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ng pasaherong si Fernando Solina ang tricycle driver sa isang Facebook post noong Lunes ng umaga.

Ayon sa kaniya, nagpahatid siya mula airport hanggang sa kaniyang bahay nang mapansin niyang na wala na ang kaniyang cellphone.

Sinubukan niya daw itong tawagan ng ilang beses at sa panglimang tawag ay mayroong sumagot at sinabing nasa pangangalaga ng Puerto Princesa AIRTODA ang kaniyang cellphone.

Kinilala ang driver na nagbalik ng cellphone ni Fernando na si Victor Magarce.

"Hindi ko napansin na may naiwan palang cellphone sa upuan. Naglilinis ako ng motor ko, napansin ko, 'Uy, may cellphone na naiwan siguro sa pasahero ko ito,' sabi ko. Ayun tamang tama naman na nag-ring, eh hindi ako marunong (pinasagot) ko sa kasama ko rito sa airport, kay Larry so sinagot niya," ani Magarce.

Hindi raw siya nagdalawang-isip na ibalik ang cellphone dahil madalas daw niyang binabalik ang mga naiwang gamit ng kanyang mga pasahero.

"Marami na rin pong beses na nangyari sa akin yan na naiwanan ako ng cellphone, binabalik ko po lahat talaga 'yan wala po akong hindi naibalik. Ilang beses na siguro hindi lang lima," ani Magarce.

Ayon kay Edgar Dacuan, manager ng Airtoda Transport Service, hindi raw si Magarce ang unang tricycle driver na may ibinalik na gamit sa kaniyang pasahero.

"Mula sa maliit na gamit hanggang sa malaki. Pati mga bag naiiwan lahat yun naibabalik yun, pati pera naibabalik. Pag dito sila sumakay sa amin, maibabalik yung gamit kasi pag nai-drop namin sila, hindi na po kami nagpi-pick-up ng pasahero, tapos pagdating dito sa airport, pag may naiwan na gadget, sinu-surrender namin sa PNP, sa tourist police," aniya.

Ayon sa AIRTODA, sa kanilang katapatan ay umaasa silang nakakatulong sila sa turismo ng Puerto Princesa.

"Ang goal naman natin dito ay dumami yung guest na pumunta rito na hindi masabi na mandurugas mga taga-Puerto. Yun talaga (sinasabi) namin sa mga miyembro na, huwag tayong mag-interes sa hindi natin gamit," ani Magarce.

Dagdag pa ni Dacuan, "Dahil kami yung frontliner dito sa airport, hindi lang kalinisan ng Puerto yung makikita dito kundi sa pakiki-(tungo) ng mga driver."

Ayon kay Solina, malaking bagay na naibalik sa kanya ang kaniyang cellphone dahil nakasalalay dito ang kaniyang trabaho.

Sa panahon na madalas nairereklamo ang mga pasaway na tricycle drivers, umaasa si Magarce dumami pa ang mga tricycle driver na makilala dahil sa binibigay nilang tama at tapat na serbisyo.

"Yung nasa itaas alam niya yan eh. Yung return hindi lang yung ganun marami pang magagandang bagay na maipagkakaloob niya sa atin basta't maging honest lang tayo," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.