VIRAL: Kunwari'y aarestuhin, mag-aalok pala ng kasal

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2018 03:10 PM | Updated as of Mar 05 2018 09:59 PM

Hindi inakala ng isang babae sa Cotabato na ang "pag-aresto" sa kaniyang nobyo ay may kalakip palang happy ending.

Mayroong salo-salo kina Caryl Anadon para sa kaniyang kaarawan nang biglang magkagulo dahil akmang inaaresto ng isang lalaking naka-unipormeng pang-pulis ang nobyo ni Anadon na si Rolf Vacalares Jr.

Mayroon umano kasing nakitang ilegal na gamit sa bag ni Vacalares.

Agad namang nagpunta si Anadon sa nobyo nang makitang pinaluhod na si Vacalares sa sahig at may iniabot pang "kontrabando" sa lalaki. 

Ibinigay naman ng pulis kay Anadon ang sinasabing search warrant.

Nang basahin ni Anadon ang umano'y search warrant, nakalagay roon ang mga katagang "Will you marry me?"

Napahiyaw at napaluha na lang si Anadon nang bigla ring ilabas ng nobyo ang iniabot sa kaniya ng pulis na engagement ring pala.

Siyempre pa, matamis na 'oo' ang tugon ni Anadon sa alok na habambuhay na pagsasama ng kaniyang nobyo.

 

“Nabigla ako, 'ano 'yon, bakit siya hinuhuli ng pulis?' Natakot talaga ako, ang dugo ko parang umakyat sa ulo ko kasi birthday na birthday ko may hinuhuli, siya pa talaga,” ani Anadon.

Kasabwat din pala ni Vacalares sa kakaibang proposal ang pinsan at tiyuhin ng nobya.

Ayon sa tiyuhin ni Anadon, nakiusap siya sa kaniyang pinsang pulis na sana'y tulungan sila sa kanilang romantic na balak.

“Naisipan ko para may twist yung pag-propose ko," ani Vacalares.

Plano ng magkasintahan na magpakasal sa Disyembre ngayong taon. -- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.