Video ng lalaking nagpamalas ng 'TLC' sa alagang aso, nag-viral

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 03:50 PM | Updated as of Oct 21 2018 10:26 PM

Hindi lamang dahil Year of the Dog kaya matindi ang pag-aarugang ginagawa ni Fumio Tsunoda sa kaniyang alagang asong si "Whitey." Laging dala ni Tsunoda si Whitey na angkas nito sa basket ng kaniyang bisikleta kahit saan man siya magpunta. Chrislen Bulosan, ABS-CBN News


DAVAO CITY – Umani ng maraming positibong reaksiyon sa social media ang ipinamalas na tender loving care ng isang matandang lalaki sa kaniyang angkas na alagang aso habang umaambon sa Agdao Public Market.

Sa video na naupload sa Facebook ni Alilee Shalom Galilee noong Pebrero 24, makikita ang isang matandang lalaki na ginawang kapote ang isang cellophane para sa kaniyang aso. Nilagyan pa niya ng foam ang inuupuan nito sa basket ng kaniyang bisikleta habang sinuotan din niya ng sombrero ang aso para di mabasa sa ulan.

 

May 3 million views na ang video sa Faceboook habang nai-“share” naman ito ng mahigit sa 62,000 na beses. Higit 9,000 na ang nagkomento sa post.

Nakilala ang matandang lalaki sa viral video na si Fumio Tsunoda, isang Hapon na 14 taon nang naninirahan sa Davao City.

Matagal na umanong napapansin ng mga tindero sa palengke si Tsunoda na laging dala ang alagang aso kahit saan man magpunta. Lagi rin nilang nasasaksihan ang kakaibang pag-aarugang ibinibigay nito sa kaniyang aso.

Ayon kay Tsunoda, pinangalanan niyang “Whitey” ang 3-taong gulang na asong kaniyang nakita lamang sa bayan ng Malita, Davao Occidental.

Sa kanilang bahay, may sarili pang folding bed si Whitey para komportable ang tulog nito.

Natagpuan lamang ng Japanese national na si Fumio Tsunoda ang asong si "Whitey" sa bayan ng Malita, Davao Occidental. May sarili pa itong folding bed sa bahay. Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bukod kay Whitey, may dalawang aso pa siyang inalagaan na nauna nang namatay.

Bilang simbolo ng paggunita sa pagmamahal niya sa mga pumanaw na alagang aso, gumawa pa siya ng maliit na libingan sa kanilang balkonahe.

Ibig din ipakita ni Tsunoda na maging ang mga hayop ay dapat ding respetuhin at alagaan ng mabuti.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.