VIRAL: Lalaki nagpanggap na nabundol, humingi ng pera

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 07:34 PM | Updated as of Sep 14 2018 08:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan ng video ang isang lalaki sa Imus, Cavite na nagpanggap na nabundol ng sasakyan para humingi ng pera sa may-ari.

Sa Facebook post ni Hitori Tanaka na kuha noong Lunes ng hapon sa Barangay Bucandala 3, Imus, makikita ang isang lalaking tila nag-aabang sa gilid ng kalsada.

Ilang sandali pa ay sinadya nitong ibangga ang kaniyang katawan sa gilid ng isang dumadaang sasakyan.

Umupo ang lalaki sa kalsada at hinawakan ang kaniyang kanang binti na tila may iniindang sakit.

Sa pag-aakalang may kasalanan, inabutan ng pera ng babaeng sakay ng SUV ang lalaki matapos kausapin.

Nag-viral sa Facebook ang video at kasalukuyang may limang milyon na views.

Nakuhanan naman ng CCTV ng barangay na masiglang naglalakad ang lalaki habang naghahanap ng susunod na mabibiktima.

Kuwento ni Tanaka, nakuhanan niya ang video matapos may magsabi sa kaniyang may nabangga sa tapat ng kanilang opisina.

"Chineck ko sa CCTV, parang may mali," ani Tanaka.

Ayon naman kay Ronald Monicayo, isang construction worker na saksi rin sa nangyari, nakatawag ng pansin ang lalaking sinasabing nagpabundol kaya agad niya itong tinulungan.

Nasa P1,500 umano ang halagang ibinigay ng biktima, ayon kay Monicayo.

Kuwento ni Jo Peña, kalihim ng Barangay Bucandala 3, siya mismo ay muntik nang mabiktima ng parehong modus.

"Isang lalaki, habang nagmamaneho ako ay dumikit talaga doon sa harapan [ng sasakyan]," aniya.

"Noong sinabi ko [wala akong pera], tumawa, hindi na tinuloy," dagdag ni Peña.

Payo ni Peña ay tingnan muna kung totoong nagtamo ng bali ang nabundol at agad itong dalhin sa ospital.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaki sa video. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.