Taxi driver na kaboses ni Duterte, nag-viral

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 10:16 PM | Updated as of Feb 02 2018 10:17 PM

DAVAO CITY - Gumawa ng ingay sa social media ang viral video ng panggagaya ni Elcias Bugsad, isang taxi driver, sa boses ni Pangulong Rodrigo Duterte habang hinahatid nito ang kanyang pasahero Huwebes ng gabi.

Ayon kay Rachelle Dequina, pasado alas 6:50 ng gabi nang masakyan niya ang taxi ni Bugsad.

Pagod na pagod siya at inaantok na umano at gusto na niyang umuwi at matulog. Ngunit nang makasakay na umano siya sa taxi ni Elcias, napawi lahat ng kanyang pagod mula sa trabaho.

"The only question na tinanong ko is 'Kuya bagong callibrated na ba ang metrohan niyo?' Yun lang at sabi niya wala pa mam kasi bago pa ang unit namin, wala pa sa schedule sa callibration yun na umangal na ako.. yun na nag-umpisa na siya bilang maging isang Duterte na siya," ani Dequina.

Watch more in iWant or TFC.tv
Kuha ni Rachelle Dequina

Super good vibes naman ang tugon niya sa panggagaya ng taxi driver sa boses ng pangulo.

Hanggang sa makauwi ito nang ligtas sa kanilang bahay, ngiti ang naging baon sa mukha ni Dequina.

Sampung taon nang driver si Bugsad na dati ring nagtrabaho sa Saudi Arabia at Qatar bilang company driver.

Ayon sa kanya, ito na lang ang nagsisilbing pangtustos niya sa kanyang pamilya para maitawid ang pag-aaral ng kaniyang dalawang anak.

Bago maging pangulo, idolo na umano ni Bugsad si Duterte.

"Katong naa pa siya'y programa sa TV nga Gikan sa Masa, Para sa Masa, kadtong ngadto sige tan-aw na-enhance nako kaya nako sundogon ang iyang boses," aniya.

(Noong may programa pa ito sa local tv na Gikan sa Masa Para sa Masa, doon pinagmamasdan ko siya paano siyang magsalita at doon na-enchance ko ang aking boses sa panggagaya sa kaniya.)

Dalawang taon na umanong niyang ginagawa ang panggagaya sa boses ng Pangulo habang namamasada. 

Ayon sa kanya, nakagagaan ng pakiramdam na makita ang kaniyang pasaherong nakangiti sa gitna ng mainit na panahon at matinding trapik.

Lubos naman itong nagpasalamat sa nag-upload ng video at naging viral sa social media. 

Umani ng mahigit 80,000 shares at 123,000 reactions ang video ng panggagaya ni Bugsad sa Pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.