KILALANIN: Ang viral lola na ninakawan sa jeep

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 02:45 PM

Emma Dongosa

BACOLOD CITY- Kilalanin si Emma Dongosa, ang lola sa viral video na ninakawan ng katabing pasahero sa jeep.

Naunang napabalita ang pandurukot sa 68-anyos na si Dongosa matapos kumalat sa social media ang video ng insidente.

Kuwento ni Dongosa, pagod raw siya noon kaya nakatulog na siya sa jeep nang mapansin niyang nawawala na ang kaniyang pitaka na may laman na P500.

Sinabihan niya umano ang babaeng pasahero sa kaniyang tabi na nawawala ang kaniyang pitaka ngunit sinagot raw siya nito na baka naiwan lang niya sa ibang lugar.

"Hindi ko alam ano ang tumulak sa akin para abutin yung hita niya pero nung ginawa ko, nakuha ko yung wallet ko," ani Dongosa sa lokal na pananalita.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Dongosa na hindi niya napanood ang balita tungkol sa kaniya dahil wala umano siyang telebisyon.

Emma Dongosa

Isang tindera ng prutas at mga hotdog si Dongosa na mag-isang naninirahan sa isang barong-barong sa Barangay Bata.

Nabiyuda siya noong 29-anyos pa lamang at mayroong 2 anak na babae na naninirahan na sa Iloilo at may mga sariling pamilya na rin.

Gusto raw niya sana na magkaroon ng bagong telebisyon para muling makapanood na ng balita at mga teleserye lalo na at kaarawan na niya sa darating na Peb. 5.

Sa kabila ng pandurukot sa kaniya, sinabi ni Dongosa na pinatawad na niya ang babaeng nagnakaw ng kaniyang pitaka.

"Napatawad ko na siya at sana magbago na siya," aniya.

- ulat ni Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.