Lalaki nag-propose sa nobya habang 'inaaresto,' tampok sa ASAP

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 05:00 PM | Updated as of Jan 14 2018 05:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tampok ang viral na proposal video ng magkasintahang Jorick Jugado at Jasmine Ferreras sa paglulunsad ng bagong segment ng "ASAP" na "The Love Connection" (TLC) nitong Linggo, Enero 14.

Kakaibang gimik kasi ang naisip ni Jugado para sa pagyaya niya kay Ferreras sa kasal.

"Plano ko mag-surprise talaga sa birthday niya, mag-propose doon na mismo," kuwento ni Jugado. "Si Jasmine kasi matatakutin kaya naisip ko [makipagsabwatan sa] mga pulis."

Agosto noong nakaraang taon nang maantala ang pagdiriwang ng kaarawan ni Ferreras dahil sa mga pulis.

Ayon sa mga pulis, aarestuhin nila si Jugado dahil naka-hit-and-run umano ito.

 

Nagmatigas si Ferreras at nanghingi ng warrant of arrest pero tuloy na kinadkad ang nobyo papalabas ng bahay.

Pinaluhod si Jugado sa may kalsada at pinosasan sa harap ni Ferreras bago siya inabutan ng papel na umano'y warrant.

Nang buksan niya ito'y nakasaad dito ang tanong na: "Will you marry me?"

Umani ng higit 30,000 reactions at halos 24,000 shares ang video ng proposal sa Facebook.

Inalay naman nina Erik Santos at Angeline Quinto ang awiting "Iris" ng bandang Goo Goo Dolls para sa magkasintahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.