HS broadcasting team na nag-'viral' balak pumasok sa midya?

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 12:40 PM | Updated as of Jan 09 2019 03:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagpasalamat ang isa sa miyembro ng high school radio broadcasting team sa Borongan City na nag-viral. 

Ito ay matapos umani ng milyon-milyong likes and shares sa Facebook ang broadcast nilang "Radyo Express Balita", na kinasasapian ng Eastern Samar National Comprehensive High School (ESNCHS) Radio Broadcasting Team. 

Nagpasalamat ang senior high school student na si RJ Alconaba sa mga tumangkilik sa kanilang broadcast, at hangad niyang magsilbing-inspirasyon pa sa mga campus journalist na lumalahok sa mga patimpalak. 

"Salamat kasi mas lalo kaming nainspire 'yung pagsanay, at mas maka-inspire kami nang marami," aniya sa radyo DZMM nitong Miyerkoles. 

Ang video ay kinuha habang nag-eensayo ang koponan para sa Regional Secondary Schools Press Conference (RSSPC) noong Disyembre 2018. 

Ani Alconaba, binuo ang kanilang grupo ng iba't ibang high school students, na pinipili ng eskuwelahan sa bisa ng mga paligsahan sa kanilang eskuwelahan. 

Ayon kay Alconaba, na isang Accountancy and Business Management senior high school student, pinayuhan silang kumuha ng masteral degree ng ilang netizens kung hindi man pasukin ang industriya ng midya. 

Dagdag niya na sa ngayon ay hindi pa nila tukoy kung sasabak sila sa larangan ng pamamahayag. 

Nagsilbing-inspirasyon para sa kanilang hanay ang mga istasyon tulad ng Radyo DZMM.

Hindi man daw sila nanalo sa paligsahan ay ikinatuwa ni Alconaba ang pag-viral ng kanilang pag-ensayo. ​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.