Bidyo ng mga estudyanteng 'nagbabalita sa radyo', patok sa social media

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 05:56 PM

Patok sa social media ang bidyo ng mga estudyanteng nag-eensayo para sa isang kompetisyon sa radio broadcasting.

Mula sa Eastern Samar Comprehensive National High School ang mga estudyante sa nasabing bidyo. Ito ang ensayo nila para sa kompetisyon sa radio broadcasting sa Regional Secondary Schools Press Conference noong Disyembre.

 

Umabot na sa mahigit 4 na milyon ang "views" ng bidyo na unang inupload sa Facebook ng KJM Promotions noong Biyernes.

Ayon sa mga estudyanteng nasa bidyo, hindi nila inasahang kakalat ito sa social media.

"Parang na-shock ako, like wow! viral ba to? Ako ba to?, like hindi ko inexpect na mag-va-viral yung video," ani Shamen Bebita.

"Hindi naming inisip talaga na magva-viral kasi practice lang 'yun," dagdag pa ni Julius Van Beringuel.

Hindi man sila nanalo sa sinalihang kompetisyon, ang mga positibong komento na kanilang nakuha ang nakakapagbigay ng inspirasyon sa kanila.

"Maraming pasalamat pa rin kami kahit hindi nanalo, malaking twist ba, 'yung feeling namin ngayon na parang, kahit hindi nanalo, parang nag-champion na rin dahil maraming nag-appreciate," ani Ralph Justin Alconaba.

Dahil na rin sa kasikatan ng bidyo, mas pagbubutihin pa umano ng kanilang coach na si Macel Apura ang performance ng kaniyang mga estudyante.

"Sabi ko nga sa kanila, ano, hala nakita yung video natin na ganun, na-appreciate nila na maganda, siguro kailangan pagbutihan pa natin next year," aniya.

Si Jason Macapanas ang kumuha at nag-upload ng bidyo sa kaniyang Facebook page. Tinulungan rin niya ang grupo sa kanilang pag-eensayo sa kaniyang studio para makita nila ang kanilang output.

Humanga rin siya sa galing ng mga bata.

"Bilang nag-check dun sa final output nila, dun sa practice, nakita ko na magaling at spontaneous yung delivery nila, so dahil na-blessed ako, nagustuhan ko yung performance nila, I want to share it to my page at sa ibang tao naman," ani Macapanas.

Iisa pa lang sa grupo ang desididong magpatuloy sa broadcasting, pero ayon sa kanilang lahat, ang kanilang nakukuhang mga positibong reaksiyon ngayon ang inspirasyon nilang pagbutihin ang anumang kukuhaning kurso sa kolehiyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.