MULTIMEDIA

Patrol ng Pilipino: Ano’ng mga nangyari sa mga kasong isinampa kay Leila de Lima?

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2023 12:12 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Nakalaya na matapos ang higit anim na taon si dating senator Leila de Lima nang payagang magpiyansa sa kanyang natitirang drug case. 

Taong 2017 nang ilabas ang unang arrest warrant ni de Lima sa tatlong kaso ng pagbebenta umano ng iligal na droga. 

Kilalang kritiko si de Lima ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

Ibinasura ng Muntinlupa Regional Trial Court ang isa niyang kaso matapos ang apat na taon nang hindi mapatunayan ng prosekusyon ang akusasyon nito. 

Abril 2022 naman nang bumaliktad si dating Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos na inakusahan si de Lima na tumanggap ng pera mula sa illegal drug trading sa Bilibid.

Dahil dito, ibinasura ang ikalawang drug case laban kay de Lima.

Nang pahintulutan ni Judge Gener Gito na makapagpiyansa si de Lima nitong Lunes, tuluyan nang nakalabas ang dating senador. 

Sa ngayon, malaya na si de Lima ngunit nakabinbin pa rin sa hukuman ang huling drug case.

Pero hangad niya na tuluyang malinis ang pangalan niya sa mga naging paratang sa kanya sa pagbasura ng huling kaso.

– Ulat ni Mike Navallo, Patrol ng Pilipino