MULTIMEDIA

Patrol ng Pilipino: Mga ‘overlooking’ na pasyalan, apektado ng vog, haze

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2023 12:50 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Nadismaya ang ilang tumungo sa Tagaytay City sa Cavite at Antipolo City sa Rizal noong Biyernes dahil sa naging epekto doon ng volcanic smog o vog at ng haze.

Puntahan ang mga pasyalang ito dahil sa kanilang overlooking view o tanawin mula sa itaas: Tagaytay para sa Taal Lake at Antipolo para sa Metro Manila.

Sa Tagaytay, nabakante ang mga hotel at restaurant dahil sa mga hindi tumuloy ng kanilang lakad.

Wala namang naitatalang nagkasakit sa usok na galing sa Taal Volcano at pumeperwisyo sa mga taga-Batangas at maging Mindoro.

Haze na dulot ng pollutants ang naranasan naman ng mga taga-Metro Manila at paligid nito. 

Nilinaw ng Phivolcs na walang kinalaman ang volcanic smog galing Bulkang Taal sa sitwasyon sa Metro Manila dahil hindi paroon ang direksyon ng hangin.

Pero nagbabala sila na posibleng magbago ito kung mag-iba ang ihip ng hangin.

Sa kabila nito, kapwa may masamang dulot sa kalusugan ang vog at haze kaya pinaalalahanan ang publiko na iwasan na munang lumabas at kung sakali, magsuot ng face masks bilang proteksyon.

– Ulat nina Jeffrey Hernaez at Raphael Bosano, Patrol ng Pilipino