MULTIMEDIA

Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan

Jonathan Cellona, ABS-CBN news

Posted at Mar 15 2022 09:19 PM | Updated as of Mar 16 2022 12:18 AM

Kasama ang init ng araw at usok at ingay ng mga dumadaang motorista, hindi na bago para kay Rosel Coralde ang baybayin ang kahabaan ng Untied Nations Avenue sa Manila araw-araw. 

Gamit ang motorsiklong may sidecar, nagbebenta ang 27-anyos ng buko juice habang kasama ang dalawang anak at nagsusumikap sa munting negosyo. 

Subalit bukod sa araw-araw na hamon na hinaharap ni Coralde, dumagdag pa ngayong Martes ang pagkawala ng gasolina ng kanilang lumang motor, na aniya ay nais na rin sanang palitan dahil sa madalas na pagtirik. Dahil dito ay napilitang magtulak hanggang makakita ng gasolinahan. Mabuti na lamang at ilang metro lang ang layo ng pagtulak niya. 

Katulong ang 5-taong gulang na panganay na si Jeramie, naitulak ng mag ina sa isang istasyon ng gas ang motorsiklong naglalaman ng dalawang sako ng bukong paninda at ang isa pang anak na si Diego. Dito ay nagpakarga na sila ng P50 halaga ng gasolina. 

“Dati kasya na ang singkuwenta pesos para sa dalawang araw,” ani Coralde, ngunit dahil sa tuloy tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina ay sapat na lamang para sa isang araw. 

Matapos punasan ang pawis sa sarili, sinabi niyang “Sobrang mahal na ng gasolina, hindi kaya. Lalong mamumulubi ang mga tao, lalo na kaming mahihirap.” 

Ayon sa kaniya, bago ang pagtaas ng presyo ng langis ay kumikita siya ng hanggang P500 kada araw. 

Nabubuo sa pa sampu-sampung piso kada baso ng buko juice. Ngunit ngayon aniya’y kulang na ang kanilang kinikita. “Nitong mga ilang araw, pagka kumita ka ng malinis na P200 hangggang P300, kapos pa rin yon.”

Ibinahagi ni Coralde na kahapon ay instant pancit canton ang kanilang ulam. Samantala, ang pagkain mamaya ay nakasalalay pa sa kikitain ngayong araw. 

Bahagyang tumigil si Coralde sa pagalaga sa dalawang anak upang mag silbi sa kustomer, dagdag P10 rin sa benta ngayong araw. Habang ang iba ay nangangamba sa init na dala ng summer, si Coralde naman ay tuloy ang pag benta dahil alam niyang sabay ng init ng araw ang dagsa ng mga mamimili ng buko juice. 

Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 1
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 2
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 3
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 4
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 5
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 6
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 7
Sabak sa kapalaran, tulak sa gasolinahan 8

Napilitang mag tulak ng sidecar ang buko vendor na si Rosel Coralde dahil naubusan ng gasolina ang motorsiklo nito sa kahabaan ng UN Avenue, Manila ngayong Martes. Jonathan Cellona, ABS-CBN new

Nagpakarga si Coralde ng P50 halaga ng gasolina sa malapit na gas station. Jonathan Cellona, ABS-CBN news

Ani Coralde bago ang sunod sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina ay sapat na ang P50 para sa dalawang araw na gamit. Ngayon ay isang araw na lamang. Jonathan Cellona, ABS-CBN news

Nagpunas ng pawis si Coralde bago ito tumungo sa puwesto sa Maynila upang magbenta ng buko juice. Jonathan Cellona, ABS-CBN news

Ani Coralde ay maraming namimili kapag malapit na ang panahon ng tag-init. Jonathan Cellona, ABS-CBN news

Ang bawat baso ng buko juice ay nagkakahalagang P10. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Dati raw ay kumikita siya ng P500 a day. Jonathan Cellona, ABS-CBN news

Kasama ni Coralde ang dalawang anak sa pagbebenta ng buko juice. Jonathan Cellona, ABS-CBN news