Makatatanggap nga ba ng P10,000 ayuda ang mga magpaparehistro sa National ID?
ABS-CBN Fact-Check Rating: FALSE
Hindi totoong makatatanggap ang mga PHILSYS registrants ng Landbank ATM na may lamang P10,000 ayuda. Ang anunsyo ay pinost ng isang pekeng Facebook page na nagpapanggap na pag-aari ng DSWD.
Ayon sa Republic Act No. 11055 o ang PhilSys Act, hindi Department of Social Welfare and Development (DSWD) kundi ang Philippine Statistics Authority (PSA) ang namamahala sa pagpaparehistro sa National ID.
(b) The PhilSys Registry. - The PSA, as repository and custodian of all data shall create and maintain a PhilSys Registry that will contain the PSN, registered records, and information of all persons registered in the PhilSys.
January 2021 naman nang simulang makipagtulungan ang PSA sa Landbank upang mabigyan ng “Mastercard Prepaid Card” ang mga nagparehistro, na maaaring gamitin upang mag-withdraw ng pera sa mga ATM.
Noong Nov. 6, nag-post ang isang Facebook page na gumagamit ng pangalan at logo ng DSWD na makatatanggap ng ayuda ang mga magpaparehistro ng National ID.
Sa naturang post, sinasabing kailangang mag-register sa isang website para makatanggap ng P10,000 ayuda sa Landbank ATM account na ipinamimigay ng PHILSYS.
Naglabas na ng opisyal na pahayag ang PSA sa kanilang official Facebook page. Ayon sa PSA, maaari ngang magbukas ng account sa Landbank ang mga nagpaparehistro sa mga kiosk na nasa registration centers bilang bahagi ng kanilang partnership. Pero paglilinaw nila, walang laman ang mga prepaid cards na kanilang ipinamimigay.
Naglabas na rin ng pahayag ang Landbank na sinasabing libre ang pagbubukas ng account ngunit wala itong lamang ayuda. Sinabi rin sa kanilang pahayag na dinagsa ang kanilang mga registration center dahil sa kumalat na balita online.
Noong December 10, mahigit limampung milyong (50,014,382) Pilipino na ang nagparehistro ng National ID base sa datos ng PSA. Halos pitong milyon (6,786,939) naman ang nakapagproseso ng kanilang bank account sa mga PhilSys registration centers.
Hanggang ngayon ay active pa rin ang pekeng Facebook page ng DSWD. Paalala ng mga ahensya ng gobyerno, huwag agad maniwala sa mga nakikita sa social media.
PAANO NGA BA MALALAMAN KUNG TUNAY ANG ISANG FACEBOOK PAGE O HINDI?
Marami nang mga pekeng Facebook page na gumagaya sa mga ahensya ng gobyerno. Narito ang ilang tips para malaman kung tunay ang Facebook page na inyong nakita.
1. Tingnan kung “verified” ang Facebook page.
Tingnan kung may verified badge o kung may check na kulay asul ang dulo ng pangalan ng account. Ibig sabihin nito, nasuri nang maigi ang account at napatunayang tunay ang tao o institusyong nagmamay-ari nito.
2. Tingnan ang “ABOUT” tab ng Facebook account o page
Makikita ang mga impormasyon tungkol sa ahensya tulad ng address, contact number, email address at iba pang link sa kanilang social media accounts. Magduda kung kulang ang mga impormasyong iyong nakikita.
3. Magduda rin kung kaunti ang followers ng isang page
Kadalasang marami ang followers ng Facebook page ng mga institusyon, ahensiya, politiko at mga celebrity. Pero tandaan, hindi nangangahulugang tunay ang isang account kahit na marami ang likes o followers nito. Kailangan pa ring maging maingat dahil ang iba sa kanila ay nagpapa-like o follow lamang ng kanilang page.
4. I-check ang “PAGE TRANSPARENCY” tab sa Facebook
Dito makikita kung kailan ginawa ang isang Facebook account o page. Magduda kung bagong gawa ang isang Facebook page ng isang kilalang ahensiya, institusyon, politiko o celebrity.
Ugaliing maging mapanuri sa mga nakikita sa social media upang hindi mabiktima ng mga maling impormasyon. Lagi ring tandaang huwag magbigay ng mga personal na impormasyon sa mga kahina-hinalang website na makikita sa social media.
Kamakailan lamang ay naglabas muli ng warning ang DSWD laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon at hindi makatotohanang representasyon sa registration ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid Pamilya) o 4Ps.
Dagdag pa nila, makasisira sa ahensya at magiging sanhi ng kalituhan ang mga maling impormasyon na ipinakakalat sa social media.
ABS-CBN News is part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project, which supports different news organizations in building their fact-checking capacity to meet international fact-checking standards.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, fake news, National ID, DSWD, Landbank, PSA, site only, slideshow