PatrolPH

Ex janitor na nagkampeon sa #SEAGames2019 triathlon, nais magtayo ng sariling bike shop

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 01:51 AM | Updated as of Dec 03 2019 02:27 PM

Watch more on iWantTFC

SUBIC -- Dati, basahan ang hawak ni John Chicano sa isang bike shop. Ngunit ngayon, gintong medalya na ang tangan nito. 

At sa kaniyang patuloy na pamamayagpag sa mundo ng triathlon, umaasa si Chicano na makapagpatayo ng sariling bike shop, kung saan siya nag-umpisang matuto sa sport.

Dating janitor ang bagong SEA Games gold medalist sa men's elite at mixed relay na si Chicano bago ito naging triathlete. 

Kuwento ng atleta, taga-linis siya ng mga bisikletang naka-display sa shop na pagmamay-ari ng kaniyang coach, noong siya ay cyclist pa lamang at hindi pa interesado sa triathlon. 

Kakilala ng kaniyang ama ang nagma-manage ng bike shop na pinasukan niya noong 2009 na hindi naman tinanggihan ni Chicano lalo pa't manganganak ang kaniyang asawa.

"Sabi niya ipapasok niya ko as helper, janitor para kumita kasi magkakaroon ako ng baby noon who is my 10-year-old daughter ngayon," pagkakatanda ni Chicano. 

Kumita aniya siya ng P300 kada araw sa naging trabaho. Ngunit ang pagmamahal nito sa cycling ay hindi nawala kaya naman pinagsabay nito ang pagtatrabaho at pag-eensayo. 

"'Yung nag-aayos ng schedule ko doon yung coach ko kasi alam naman niya oras ng pasok ko so alam niya rin yung tapos ng training ko," pag-amin ni Chicano, na kinailangan magtrabaho noon habang siklista dahil manganganak ang kaniyang asawa. 

Ngayong unti-unti na ring dumarami ang kaniyang nasasalihan at napapanalunang paligsahan, nagkakaroon na rin umano siya ng sapat na kinikita para sa kaniyang pamilya. 

May payo rin ang kampeong manlalaro para sa mga nangangarap din na maging matagumpay sa iba't ibang larangan. 

"Sa mga nagsisimula pa lang, keep doing what you love kasi kung ano yung mahal mo doon ka mag-eexcel," ani Chicano. 

Nagpaalala rin ito na huwag madaling sumuko o panghinaan ng loob lalo na kung naiisip na hindi kaya. Pagbabahagi nito, lumaki siya na 'di marunong lumangoy. Ngunit noong 18 anyos na ito, nag-aral siya ng 3 buwan upang matuto. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin and ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.