Ang TikTok video ng diumano’y magnitude 11.9 na lindol sa California, USA noong Nobyembre 7, 2023 ay kuha sa Sendai airport sa Japan nang tumama ang magnitude 9 na lindol at tsunami noong 2011.
Ang video na ipinost ng TikTok user na si “DON_WICHO” ay nilapatan ng imahe ng state flag ng California. Sa itaas ng video, mababasa ang tekstong “California Earthquake 11.9 degrees.”
Sa pamamagitan ng isang reverse image search, nakita ang mas mahabang bersyon ng video na iniupload ng Japanese television outlet na All-Nippon News Network (ANN) noong Enero 17, 2020.
Base sa tala ng US Geological Survey (USGS), nagkaroon ng 30 mahihinang pagyanig na nasa 0.0 hanggang 2.9 magnitude sa California noong Nobyembre 7, 2023.
Walang anumang naiulat na malakas na pagyanig sa lugar nitong mga nakaraang linggo ngayong buwan ng Nobyembre.
Ang lindol ay sinusukat batay sa “magnitude” o “intensity” nito at hindi sa “degree.”
Ayon sa USGS, ang mga “MegaQuakes” na nasa magnitude 10 pataas ay imposibleng mangyari dahil wala pa umanong fault line ang may sapat na haba para makabuo ng ganoong kalaking pagyanig.
Paliwanag ng USGS, ang magnitude ng isang lindol ay depende sa haba ng fault, o iyong biyak sa lupa bunga ng paggalaw ng tectonic plates ng mundo.
Kung mangyari man ang isang MegaQuake, maapektuhan nito ang karamihan ng mga bansa.
Sa kanilang tala, ang magnitude 9.5 na lindol sa Chile noong Mayo 22, 1960 na ang pinakamalakas.
Sa huling tala ng ABS-CBN Fact Check Team, ang video na iniupload ni “DON_WICHO” sa TikTok ay mayroon nang 15,200 views, 15,100 likes, at 999 comments. Ishinare na rin ito ng 3,271 na beses at ibinookmark ng 1,372 na beses.