Hindi totoong nasibak sa pwesto si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, taliwas sa pahayag sa thumbnail image ng video na ipinost sa YouTube channel na “AI TOO KAYE”.
Mababasa sa thumbnail image ang pahayag na “SPEAKER SIBAK SA PWESTO. MARCOLETA IPALIT SA POSISYON. DU30 GIGIL NA. KAKAPAOSK LANG NA BALITA.”
Sa video na ipinost noong Oktubre 24, 2023, makikita ang uploader na nanonood ng isa pang video na ini-upload ng YouTube channel na “BANAT KAPANIG TV.” Ayon sa video, nais diumano ng mga tao na ipalit si SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta kay Romualdez bilang House Speaker.
Paksa ng video ang proposed P650 milyong confidential funds sa 2024 budget ng Office of the Vice President at Department of Education. Ang dalawang opisinang ito ay hawak ni Vice President Sara Duterte.
Kamakailan, nagpasya ang mababang kapulungan ng kongreso, sa pamumuno ni Romualdez, na i-realign ang confidential funds ng ilang mga ahensya, kabilang ang mga opisinang hawak ni Duterte.
Walang anumang ebidensiya na ipinakita sa video na nagpapatunay na ang kasalukuyang House Speaker ay nasibak sa puwesto o papalitan ni Marcoleta.
Wala ring anumang opisyal na anunsiyo tungkol dito ang House of Representatives.
Noong Nobyembre 14, 2023, pinangasiwaan ni Romualdez, bilang House Speaker, ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong hirang na Deputy Speaker na sina Lanao del Sur Second District Rep. Yasser Balindong at Isabela First District Rep. Antonio Albano.
Nauna nang nilinaw ni Romualdez na hindi politically motivated ang paglipat ang confidential funds sa mga security agencies. Ayon kay Romualdez, makatutulong ang confidential funds sa tensyon sa West Philippine Sea.