Larawan kuha ni Bayan Patroller Miggy Rodulfo
MAYNILA - Mga sirang bahay at kabuhayan ang iniwan ng bagyong Rolly matapos manalasa sa Catanduanes.
Unang nag-landfall bilang isang super typhoon ang bagyong Rolly sa bayan ng Bato noong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Bayan Patroller Miggy Rodulfo na isang doktor sa JMA Memorial District Hospital sa bayan ng San Andres, marami ang nasira sa buong isla dahil sa bagyo.
"I’m worried kasi ang dami pong sira buong isla so 'yun we need help po anything na help," aniya.
Kuwento ni Rodulfo, agad silang naghanap ng masisilungan ng mga pasyente dahil natutuklap na ang bubong ng kanilang ospital.
"Nakakaiyak lang kasi kagabi pa ako naiiyak during the typhoon akala ko kasi mamatay talaga ako and that was my worry po," aniya.
"Na-secure namin sila sa iisang area na medyo takot na rin kami kasi baka magtuklapan na nga kasi nagtataasan na po 'yung bubong eh lumilipad na sila paunti-unti kasi ang tagal po ng bagyo mukhang 6 to 8 hours siya it started 1 to 2 a.m., in the morning tapos yung surge nag-start siya ng 4 a.m. Ganoon siya katagal natapos siya 8 a.m. so na-secure namin nang maayos ang pasyente," dagdag ni Rudolfo.
Kuha ni Bayan Patroller Miggy Rodulfo
Kita rin sa mga litrato sa San Andres District Hospital ang mga nawasak na dingding ng ospital. Nakalbo rin ang mga puno, lumipad ang mga bubong at yero, at nasira rin pati ang ilang mga sementadong dingding.
"Naku from San Andres po ang daming sira po lahat ng bahay na nipa sobrang sira tapos may mga bahay na totally washed out talaga na walang natira. May mga establishments na nasira at nakita then 'yung mga truck na malalaki sobrang lahat 'yun natumba sobrang dami rin then along San Andres siyempre 'yung mga bukid wala nang trees talagang kalbong kalbo," ani Rudolfo.
Watch more on
iWantTFC Kuha ni Bayan Patroller Miggy Rodulfo
Nakakuha rin ng bidyo si Rudolfo sa Barangay Sipi sa bayan ng Bato kung saan makikita ang nasirang mga bahay, nakalbong mga puno at nasirang mga bukid.
"Papuntang Bato, sira lahat poste pero walang baha po walang nangyaring baha pero 'yung mga poste tapos halos sira lahat mga bahay," aniya.
Hindi umano siya sigurado sa kalagayan ng mga residente sa lugar pero mayroon silang isang pasyenteng nanggaling pa umano sa malayong lugar.
"As of now, hindi ko po alam 'yung mga residente ngayon pero nag-admit ako ng isang tao, galing pa isya sa parang tumawid siya ng dagat, parte ng San Andres, tumawid pa ng dagat, papunta dito sa hospital kasi since November 1 daw hindi pa siya kumakain. After ko masuweruhan, binigyan ko ng oresol lang, ano na siya okay na siya. Tapos wala daw silang bahay, so in-admit ko na lang kasi galing daw sila sa malayong lugar," ani Rodulfo.
Panawagan ni Rodulfo ang tulong, mula sa makakain, tubig na maiinom, damit, gamot at dasal na sana ay makabangon agad ang mga residente at maibalik ang dating saya ng tinaguriang "happy island."
“Sa lahat po ng tutulong sa amin ngayon pa lang po maraming maraming salamat po, I’m asking po help for my kababayans po kasi sobra dami pong damage po. Ahm, buong Isla po namin, hindi lang po sa Bato, sa San Andres, sa Virac, wala pa kong balita sa iba pero as of the moment wala pa akong nabalitaan na casualties. Sa mga nadaanan ko po ha, yung mga hindi ko pa nadadanan wala pa," aniya.
"Tapos, if not too much to ask po, we’re asking for food, especially 'yung mga less fortunate po na tao na nawalan po ng bahay, marami pong nawalan ng bahay. Food, clothes po, tapos water din po kailangan namin. Then kung makakapagpadala din po kayo ng gamot. Marami pong nasugatan like yung mga aftermath like nag-ayos sila ng bahay, marami pong nasugatan sa ulo, sa kamay. 'Yun, kailangan namin ng mga at least stocks… if meron lang, if wala okay lang. Food and water po," dagdag pa ni Rodulfo.
Larawan kuha ni Bayan Patroller Miggy Rodulfo
Nakapagtala ng limang patay at milyon-milyong halaga ng pinsala sa Catanduanes matapos ang pananalasa ng bagyong Rolly.
Kapwa nalunod nang subukang tumawid sa rumaragasang baha ang limang namatay, ayon kay Governor Joseph Cua.
Aabot rin sa 15,000 residente ang apektado ng bagyo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Bayan Mo Ipatrol Mo, bayan patroller, Catanduanes, Bato Catanduanes, San Andres Catanduanes, regional news, Tagalog news