TINGNAN: Guro, namamangka para makapagturo sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 04:03 AM | Updated as of Oct 04 2019 11:00 PM

Araw-araw sumasakay ng bangka ang mga guro ng paaralan sa Barangay Castuli sa Macabebe, Pampanga para lang makapagturo sa mga kapos na bata.

Maagang gumigising ang guro na si Florence Bonifacio para sumakay sa pantalan sa Barangay Caduang Tete sa bayan ng Macabebe sa Pampanga dahil halos kalahating oras ang kaniyang biyahe sa bangka bago makarating sa Barangay Castuli. 

Sa Castuli, lalakad siya ng 15 minuto sa pilapil ng mga palaisdaan bago siya magsusuot ng bota at susuong sa ilang metrong baha papasok sa eskwela.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito ang araw-araw na sitwasyon ni Bonifacio at iba pang guro sa mga coastal na barangay ng Pampanga.

Pero para sa kanila, hindi ito kalbaryo, kung 'di sakripisyo para maabot at maturuan lalo na ang mga kapos na kabataan.

"'Pag tinignan mo yung negative side na yung hirap ng pagpunta dito -- yung pagtuturo na madulas yung daan, malaki yung tubig 'pag umuulan, nababasa bangka -- kung yun ang tinitignan mo, baka hindi ka na makapagturo. Titigil ka!” ani Bonifacio.

"Sa tingin ko maganda yung makatulong ka sa mga bata. Mabibigyan mo sila ng inspirasyon du'n sa mga experiences mo sa buhay. 'Yung makita mo 'yung bata na nasagip mo 'yung buhay niya, naituwid mo 'yung buhay niya, napakasarap sa damdamin n'un 'yung nakita mong nagtagumpay siya sa buhay,” aniya.

May kasabihan na ang edukasyon ang susi ng kaunlaran ng bayan. Pero sa ganito kahirap na barangay, paano mo maeenganyong pumasok pa ang isang bata?

Pito sa 18 estudyante ni Bonifacio ang nag-absent nitong Huwebes dahil mataas daw ang tubig sa kanilang mga tinitirhan at delikado kung lalakarin. Mabigat naman sa bulsa kung sa bangka susunduin.

Pero para sa mga guro, hindi ito alintana dagdag sa hirap ng pagtuturo, ang pagod sa pagtayo, at ang sakit sa lalamunan ng maghapong pagsasalita.

Ang sakripisyong ito, lalo na ng mga guro sa Central Luzon, ang susi sa pagbaba ng dropout rate sa mga public school ayon sa Department of Education (DepEd).

“That is a good sign na malaki ang motivating factor ng teachers natin to keep students inside the classrooms. Lumalaki din ang ating enrollment rate,” ani Dr. Nicholas Capulong ng DepEd - Central Luzon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.