Mabisa at ligtas na paraan ang pagbabakuna para protektahan ang sarili, ang pamilya, at ang komunidad kontra COVID-19. Isa rin ito sa mahahalagang hakbang para matapos na ang pandemya.
Nitong Setyembre 28, umabot na sa higit 20 milyon sa 70 milyong target ang may kumpletong COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
20 milyon
Pero nilinaw ng Department of Health, na hindi porke kumpleto na ang dose ng bakuna ay makukuha na agad ang buong benepisyo nito.
FULLY VACCINATED
Ayon sa DOH, nagiging fully vaccinated ang isang tao 2 linggo o 14 araw matapos matanggap ang pangalawang dose ng 2-dose vaccines tulad ng Pfizer, Moderna, Sinovac, AstraZeneca, at Sputnik V, o 2 linggo o 14 araw matapos maturukan ng single-dose vaccine tulad ng Johnson & Johnson.
Sa loob ng 2 linggo ito, tinuturuan ng mga bakuna ang immune system na labanan ang coronavirus sa pamamagitan ng pagpo-produce ng antibodies.
Ibig sabihin, maaari pa ring mahawa ng coronavirus ilang araw matapos maturukan dahil hindi pa tapos ang bakuna na bumuo ng proteksiyon laban sa sakit.
BREAKTHROUGH INFECTIONS
May maliit na bilang din ng breakthrough infections o mga kaso ng COVID-19 kahit na fully vaccinated ang naitatala.
Ayon sa ulat ng Food and Drug Administration noong Setyembre 9, mayroong 242 na tinamaan pa rin ng COVID 14 na araw matapos ang kanilang second dose. Katumbas ito ng 0.0017 percent ng fully-vaccinated noong panahong iyon.
Hindi man 100 percent ang naibibigay na proteksiyon ng mga bakuna, nakatutulong naman anila ito para maiwasan ang malubhang kaso at pagkamatay dahil sa COVID-19. Karamihan din sa breakthrough infections sa Pilipinas, asymptomatic o walang naramdaman at mild ang naging sintomas.
Ipinaliwanag naman ng mga eksperto na kahit maaaring makahawa ang mga nagkaroon ng breakthrough cases, mas mababa na ang posibilidad nito.
Pinabibilis kasi anila ng bakuna ang “shedding” o pagkawala ng virus sa isang infected na tao. Ibig sabihin, mas maikling oras lang maaaring makapanghawa ang mga nagkaroon ng breakthrough infections at mas kaunting virus lang ang maaari nilang maipasa.
BOOSTER DOSE
Sa gitna naman ng muling pagtaas ng mga kaso bunsod ng ng Delta at iba pang variants, nilinaw ng mga eksperto na kahit pinabababa ng variants ang efficacy rate ng mga bakuna, mabisa pa rin ang mga ito para maiwasan sa malubhang kaso at pagkamatay.
Ginawa kasi anila ang mga available ngayon na COVID-19 vaccine para targetin ang wild type o original strain ng coronavirus. Pero dahil nagkaroon na ng mutations o pagbabago sa variants, apektado na ang bisa ng bakuna laban sa mga ito.
Gayunpaman, hindi pa inirerekomenda ng World Health Organization o ng DOH ang pagbibigay ng booster shot o karagdarang dose ng bakuna.
Ilang pag-aaral ang nagpapakita na nababawasan ang antibodies sa katawan ng isang bakunado ilang buwan matapos ang kanyang vaccination. Pero hindi pa sapat ang ebidensiya na pinalalakas nga ng booster shot ang immune response laban sa COVID-19.
MGA PWEDE NANG GAWIN
Bahagyang mas maluwag ang restrictions para sa mga nakakumpleto na ng COVID-19 shots.
Sa Metro Manila, kung saan naka-pilot test ang Alert Level 4 o pangalawang pinakamahigpit na bagong 5-level alert system ng pamahalaan, pinapayagan ang 10 percent indoor capacity para sa fully vaccinated, bukod pa sa 30 percent outdoor capacity na bukas din sa hindi bakunado, sa mga sumusunod na lugar at aktibidad:
- Restaurants at ibang kainan
- Barbershops
- Hair and nail spas
- Beauty salons
- Religious gatherings
Itinutulak din ng ilang sektor ang “vaccine bubble” na magbibigay ng mas malawak na mobility sa mga bakunado para muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa.
Ilang kainan, gasolinahan, at ibang establisyimento din ang may alok na diskuwento o promo para sa mga bakunado.
Bukas na rin para sa fully-vaccinated tourists ang Baguio at Zambales. Samantala, handa na ang ilan pang tourist destinations na bawasan na rin ang requirements para sa domestic travelers.
Samantala, pinaikli rin ang required na facility-based quarantine mula 10 araw pababa ng 7 araw para sa mga bakunadong darating sa bansa mula sa “green” territories.
Nagpapaalala naman ang mga eksperto na kahit bakunado na, patuloy pa ring sumunod sa public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, physical distancing, at pag-iwas sa matataong lugar.