PatrolPH

FACT CHECK: Hindi totoong ipapatupad na ang P20 bigas kada kilo

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Sep 18 2023 05:33 PM

False

Hindi totoong iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing ₱20 kada kilo ang presyo ng bigas, tulad ng sinasabi sa headline ng video na ini-upload ng YouTube channel na “BALITAAN NG BAYAN TV.”

Nilagdaan ni Marcos ang Executive Order (EO) No. 39 noong Agosto 31 na nagtatakda ng price ceiling na ₱41 kada kilo para sa regular milled rice at ₱45 para sa well-milled rice. Ang kautusang ito ay nagkaroon ng bisa noong Setyembre 5, 2023.

Paglilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI), hindi saklaw ng price ceiling ang mga “premium” na bigas tulad ng dinorado at jasmine rice kaya mayroon pa ring makikitang nasa ₱50 hanggang ₱60 na presyo ng bigas.

Ang tinakdang price ceiling sa bigas ay alinsunod sa Republic Act No. 7581 o ang Price Act na naniniguradong mayroong makatwirang presyo ang mga pangunahing pangangailangan at bilihin.

Ang video, na ini-upload noong Agosto 27, ay may maling headline na “KAKAPASOK LANG SAWAKAS PRES MARCOS UMAKSYON na 20 PESOS PER KILO BIGAS MANGYA-YARI na VPSARA NATUWA.”

Makikita sa thumbnail ng video ang mga katagang “₱20 KILO IPAPATU-PAD. ITO ANG BALITANG NAGPA-SAYA SA MGA CONSUMERS.”

Ngunit hindi binanggit sa mismong video ang pagpapatupad ng ₱20 kada kilo na presyo ng bigas.

Isa pang video na may kaparehong headline ang ini-upload ng YouTube channel na “WANGBUDISS TV” noong Agosto 28.

Matapos panoorin ng presenter ng WANGBUDISS TV ang video ni “BALITAAN NG BAYAN TV,” nagkumento ito ng: “Ang tanging nasaad ng ating Pangulong Marcos ay nanaisin niyang gawin itong ₱20 yung presyo nga ng bigas at wala siyang ipinangako.”

Sa panahon ng kampanya sa pagkapangulo noong 2022, nasabi ni Marcos na ibababa niya ang presyo ng bigas sa ₱20 hanggang ₱30 kada kilo kapag siya ay naluklok sa pwesto.

Ayon sa statement ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang political party ni Marcos, noong Abril 17, 2022, “TINIYAK ni [PFP] presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na magkakaroon ng murang bigas na hanggang P20 kada kilo sa kanyang administrasyon matapos siyang manalo sa darating na halalan sa Mayo 9.”

Dagdag pa sa statement, sisiguraduhin ni Marcos na "hindi aabot sa ₱40 kada kilo pataas ang presyo ng bigas sa bansa, kundi pipilitin niyang ibaba ito mula ₱20 o hanggang ₱30 kada kilo."

 

Noong Marso ngayong taon, sinabi ni Marcos na malapit na niyang makamit ang hangarin na maipababa ang presyo ng bigas sa ₱20 kada kilo.

“Makikita ninyo iyong bigas, ang aking pangarap na sinabi na bago ako umupo na sana maipababa natin ang presyo ng bigas ng ₱20. Hindi pa tayo umaabot doon,” aniya.

Bago nagtakda ng price ceiling noong Agosto 31, nasa ₱43 to ₱65 kada kilo ang presyo ng imported commercial rice habang nasa ₱42 to ₱65 kada kilo naman ang local rice na ibinebenta sa Metro Manila, base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA).

Nakasaad sa EO 30 na itinatalaga ng pangulo ang DA, DTI, at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagbabantay sa presyo ng bigas sa merkado.    

Ayon kay Trade Secretary Alfredo Pascual, maaaring makulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi lalagpas sa sampung taon ang sinumang lalabag sa Price Act. Maaari ring magmulta ng ₱5,000 hanggang ₱1 milyon ang mga ito.

Umabot na sa mahigit 30,000 views ang dalawang video tungkol sa ₱20 kada kilo na presyo ng bigas. Ang YouTube channel na “WANGBUDISS TV,” na ginawa noong Pebrero 2017, ay mayroong 114,000 subscribers. Ang YouTube channel na “BALITAAN NG BAYAN TV,” na ginawa noong Hulyo 2020, ay mayroon namang 58,200 subscribers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.