Hindi totoong may libreng pabahay ang Department of Social Welfare and Development o DSWD. Taliwas ito sa post ng Facebook page na “DSWD 4PS Update 2023 All Region” at Facebook group na “4PS ALL REGION.”
Bagama’t hindi binanggit ang “DSWD” sa caption ng nasabing post, ginamit ito sa pangalan ng Facebook page at group at sa tatlong link na nakalagay sa post kung saan maari umanong magpalista ang mga nais sumali.
Ayon sa pahayag na ipinadala ng DSWD sa ABS-CBN, walang programa ang ahensya na nagbibigay ng libreng pabahay.
Ang pinangangasiwaan ng ahensya ay mga center at residential care facilities sa buong bansa na nagsisilbing temporary shelter para sa mga tao at residenteng nangangailangan ng espesyal na pangangalaga.
Ang tatlong link na kasama sa nasabing post ay nagdidirekta sa mga user sa isang online shopping website na may account na pangalang “homedeals.”
Pinasinungalingan din ng DSWD ang pekeng post sa isang public announcement na inilabas sa opisyal na Facebook page nito noong Agosto 3, 2023.
Nilinaw ng DSWD na ang Department of Human Settlements and Urban Development ang tanging ahensya ng gobyerno na may tungkuling isagawa ang mga programa sa pabahay ng pamahalaan.
Ayon pa sa DSWD, hindi konektado sa ahensiya ang Facebook page na “DSWD 4PS Update 2023 All Region” at Facebook group na “4PS ALL REGION.”
Sa pagsusuri ng ABS-CBN Fact Check team, ang Facebook page na “DSWD 4PS Update 2023 All Region” ay admin o administrator ng “4PS ALL REGION” at isang pang Facebook group na may kaparehong pangalan nito.
Sa kasalukuyan, ang Facebook page ay mayroong mahigit 6,600 likes at 7,900 followers. Ang kabuuang bilang ng miyembro sa dalawang Facebook group na pinangangasiwaan nito ay nasa 775,000.
Sa huling tala ng ABS-CBN Fact Check team, ang nasabing mapanlinlang na post ay hindi pa rin tinatanggal. Ito ay nakakalap na ng 1,700 reactions, 2,000 comments, at 83 shares.
Hindi ito ang unang beses na na-Fact Check ng ABS-CBN ang mga nagpapanggap na lehitimong social media page ng DSWD.
Paalala ng DSWD sa publiko, kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang opisyal na website at mga social media accounts.
“For announcements and updates regarding the various services and programs of the Department, the public may refer to DSWD's official Facebook Page, https://www.facebook.com/dswdserves or @dswdserves Twitter account.”