Paglaho ng mga katutubong wika sa Pilipinas, layong pigilan | ABS-CBN

HEADLINES:
|

ADVERTISEMENT

HEADLINES:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Paglaho ng mga katutubong wika sa Pilipinas, layong pigilan

Paglaho ng mga katutubong wika sa Pilipinas, layong pigilan

Anjo Bagaoisan,

ABS-CBN News

Clipboard

Bukod sa wikang pambansang Filipino, kailangan ding panatilihing buhay ang mga katutubong wika ng Pilipinas.

Iyan ang ipinahayag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nang ilunsad ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon na tema ang "Wikang Katutubo: Tungo sa isang bansang Filipino".

Isinabay sa lingguhang pagtaas ng bandila sa pamahalaang-lungsod ng Maynila noong Lunes ang pagsisimula ng taunang pagdiriwang, na ginaganap tuwing Agosto.

Ayon kay Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng KWF, unang pagkakataon ito sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na bibigyang halaga rin ang mga katutubong wika.

ADVERTISEMENT

Bukod sa mga wika na marami ang gumagamit gaya ng Cebuano, Iloko, at Bikol, tahanan din ang Pilipinas ng mga wika gaya ng Ivatan na gamit sa Batanes, Kinaray-a sa Antique, at Sama sa Tawi-Tawi.

"Nais natin pagpugayan at patunayan na mahalagang bahagi ng ating pagkabansa ang mahigit 130 katutubong wika ng Pilipinas," ani Almario.

"Ang wika po kasi ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng sangkatauhan. Ito ang nagbibigay artikulasyon sa ating nakaraan, sa ating kasaysayan ng mga tagumpay at pagkabigo. Nasa wika ang yaman ng ating nakaraan na hitik sa katutubong karunungan."

Kaya ayon kay Almario, mahalagang alagaan ang mga wikang katutubo, na kabilang din sa mga pinagbabatayan ng pambansang wika na Filipino.

"Kung hindi natin ito alagaan, nanganganib ito. At kung ating pababayaan, maaaring maglaho pa nang tuluyan. Kapag naglaho ang isang wika, tila may isang tahanan o isang bodega ng ating mga alaala at tradisyon ang nawawala at di na mababawi kailanman.

ADVERTISEMENT

"Ayaw nating mangyari ito."

BANTAYOG-WIKA

Sa tala ng KWF, 39 na wika sa Pilipinas ang maituturing na "endangered" o nanganganib maglaho.

Ayon sa komisyon, maituturing na "endangered" ang isang wika sa iba-ibang antas: kung ito ay hindi naisaayos ang sistema nito, kung hindi na naipasa ang wika ng mga matatanda sa nakababata, kung tanging matatanda na lang ang nagsasalita nito, o kung hindi na ito ginagamit ng kahit sinong buhay na tao.

Hinahabol itong mapigilan ng KWF sa iba-ibang proyekto, gaya ng pagtatayo ng mga iskulturang tinawag na Bantayog-Wika sa mga lugar sa bansa na pinagmulan ng mga katutubong wika

Nakaukit sa 10-talampakang monumento na hugis kawayang gawa ni Luis "Junyee" Yee Jr. ang 3 stanza ng "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" ni Andres Bonifacio sa sulating Baybayin.

ADVERTISEMENT

May iba ring detalye ng wika na pinaparangal nito. Mababasa ang nakaukit kahit sa gabi dahil inilawan mula sa loob.

Naitayo na ang mga Bantayog-Wika sa 15 na lugar: Antique (para sa Kinaray-a), Ifugao (Tuwali), Mati City (Mandaya), Kalinga (Kalinga), Occidental Mindoro (Mangyan), Bukidnon (Binukid), Batangas (Tagalog Batangas), Baataan (Ayta Magbukon), Surigao Del Sur (Surigawnon), Baguio (Ibaloy), Sorsogon (Bikol Sorsogon), Batanes (Ivatan), Pangasinan (Pangasinan), General Santos City (Blaan), at Lake Sebu (Tiboli).

Nakatakda ring magtayo ng mga Bantayog-Wika sa Camarines Sur, Cagayan, Bacolod, La Union, North Cotabato, at Aurora ngayong 2019.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.