Peke ang video na ipinakakalat ng “i KiER TV” YouTube channel ng umano’y lindol na yumanig sa Luzon nitong Miyerkoles, Hulyo 27.
Ang naturang YouTube video na may pamagat na “Lindol July 27 2022! Earth quake” ay mga tinahing video clip lamang mula sa mga lindol ng nakaraan pang mga taon na ni hindi sa Pilipinas nangyari kundi sa ibang mga bansa.
Ang unang video clip na ginamit ni “i KiER TV”, na nagpapakita ng isang bahay at katabi nitong mga halaman na nayayanig, ay kinuha mula sa isang CCTV footage ng 7.8 magnitude na lindol sa Nepal noong Abril 25, 2015. Mahigit 9,000 tao ang iniulat na namatay dahil sa lindol na ito.
Mapapanood dito ang orihinal na video: 2015 Nepal quake
Ang pangalawang video clip naman na ginamit ay kinuha mula sa isang news footage ng Japanese network na “ALL Nippon News Network.” Ito ay kuha ng 7.4 magnitude na lindol na yumanig sa Fukushima, Japan noong Marso 16, 2022.
Mapapanood dito ang orihinal na video: 2022 Japan earthquake
Inilabas ni “i KiER TV” ang pekeng video na ito ilang oras matapos ang magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra at yumanig sa maraming bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila.
Sa ngayon ay umani na ang pekeng video ng 10,562 views sa YouTube.
With research from Adrian Kenneth Halili, ABS-CBN Investigative & Research Group