FACT CHECK: ‘Di ito mga larawan ng pinsala ng lindol sa Luzon noong Hulyo 27

ABS-CBN Investigative & Research Group

Posted at Jul 28 2022 04:37 PM

FACT CHECK: ‘Di ito mga larawan ng pinsala ng lindol sa Luzon noong Hulyo 27

Mapanlinlang ang mga larawang ito na kumakalat sa YouTube na umano’y kuha raw ng mga pinsalang dulot ng lindol na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng Luzon nitong Miyerkoles, Hulyo 27. 

Taliwas sa nais palabasin ng iba’t ibang YouTube channel na gumamit sa mga nasabing larawan bilang thumbnail ng kanilang mga video, ang mga imaheng ito ay kuha mula sa mga naganap na lindol noon pang nakaraang mga taon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang mga bansa.

FACT CHECK: ‘Di ito mga larawan ng pinsala ng lindol sa Luzon noong Hulyo 27

Ang orihinal na imahe sa itaas na ginamit sa thumbnail ng YouTube channel na “mga pinag-uusapan” at pinamagatang “ACTUAL FOOTAGE ng LINDOL sa Pilipinas July 27 2022 | EARTQUAKE” ay kuha matapos ang magnitude 5.8 na lindol na yumanig sa Mirpur, Pakistan noong Setyembre 2019. Ang larawang ito ay inilabas ng international news wire na Reuters.

FACT CHECK: ‘Di ito mga larawan ng pinsala ng lindol sa Luzon noong Hulyo 27

Ang YouTube channel naman na “CELEBRITY UPDATES” ay gumamit ng tatlong lumang larawan ng lindol sa Pilipinas at Taiwan sa YouTube video nitong may titulong “WASAK ANG MGA SIMBAHAN AT BAHAY! METRO MANILA 7.3 NA LINDOL ANG NASANASAN!”

Ang unang dalawang larawan ay kuha matapos ang 7.2 magnitude na lindol na yumanig sa Bohol noong Oktubre 2013. 

Ang ikatlong larawan naman ay kuha matapos ang 6.4 magnitude na lindol sa Taiwan noong Pebrero 2016. Ang unang larawan ay galing sa European Pressphoto Agency, at ang ikalawa at ikatlo naman ay galing sa Reuters. 

FACT CHECK: ‘Di ito mga larawan ng pinsala ng lindol sa Luzon noong Hulyo 27

Ang larawan naman na ginamit ng YouTube channel na “Jude’s Random Studio” sa video niya na may titulong “Earthquake hits Manila – July 27, 2022” ay lumang larawan din na kuha matapos ang 2013 Bohol earthquake. Ang orihinal na larawan ay inilabas ng Reuters noong Oktubre 16, 2013.

FACT CHECK: ‘Di ito mga larawan ng pinsala ng lindol sa Luzon noong Hulyo 27

Ang larawang ito ng gumuhong Bataan-Pampanga Arch ang ginamit naman ng YouTube channel na “kuya dokman” sa video niyang may pamagat na “actual video.. NCR niyanig ng malakas na lindol July 27 2022”. Mula ito sa Philippine Information Agency na kuha matapos ang 6.1 magnitude na lindol sa Zambales noong Abril 2019.

Nagsilabasan ang ganitong uri ng pekeng impormasyon matapos ang magnitude 7 na lindol na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng Luzon umaga ng Hulyo 27. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang maaaring pinagmulan ng lindol ay ang fault ng Abra River. Naramdaman ang Intensity 7 sa probinsya ng Abra, ayon sa Phivolcs.

With research from Ciara Annatu and Adrian Halili, ABS-CBN Investigative & Research Group