FACT CHECK: Di totoong mabibilanggo pa ng 12 taon si Leila de Lima dahil natalo sa halalan

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Jul 09 2022 01:00 PM

 FACT CHECK: Di totoong mabibilanggo pa ng 12 taon si Leila de Lima dahil natalo sa halalan
 

Hindi totoong mabibilanggo pa ng karagdagang 12 taon ang dating senador na si Leila de Lima dahil natalo siya sa nagdaang halalan, taliwas sa paratang ng isang video ng YouTube Channel na Showbiz Fanaticz. Ayon sa abogado ni De Lima na si Atty. Dino De Leon, hindi sa resulta ng nakaraang halalan nakasalalay ang patuloy na pagkabilanggo o ang paglaya ng dating senadora, kundi sa magiging desisyon ng korte sa mga nakabinbing kaso laban sa kanya.

“It is the strength and the merits of the case,” pahayag ni De Leon sa isang panayam ng ABS-CBN Fact Check Team. 

“Wala kaming nakikitang malakas na evidence against De Lima… but we leave it up to the discretion of the judge,” dagdag pa niya. 

Ang video ng Showbiz Fanaticz Channel na inupload sa YouTube noong Hunyo 17 ay may pamagat na “JUST IN: Matapos MATALO sa SENADO| LEILA DE LIMA muling MAKUKULONG ng 12 yrs.| “MABUBULOK KA NA DYAN.” 

Dagdag pa sa sanaysay ng uploader, “Matapos matalo sa kanyang senatorial bid ay tila hindi pa raw sumusuko ang senadora, at umaasang makakalaya at mapapawalang-sala… ngunit tiniyak mismo ng mga abogadong nagsampa ng kaso kay Leila de Lima na mukhang pang-habambuhay na ito sa bilangguan.”

Pero mariin itong itinanggi ni De Leon.

“Kitang kita naman na kasinungalingan ito. Kasi as of the moment… 'yung mga testigo ng prosecution mismo ang nag-recant.”

Matatandaan na noong Pebrero 2017, inaresto at ikinulong si De Lima sa Camp Crame matapos magsampa ang Department of Justice ng mga kaso laban sa kanya dahil sa diumano’y pagkasangkot niya sa illegal drug trade o paglabag umano niya sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Sa tatlong drug cases na nakasampa laban kay De Lima, napawalang-sala na siya sa Criminal Case 17-166, kung saan inakusahan siyang nangikil umano ng drug money kay Peter Co, na isang convicted drug lord. Na-dismiss ang nasabing kaso dahil ayon sa korte, mahina ang ebidensya laban kay De Lima.

Matatandaan ding magkasunod na binawi ng mga testigong sina Kerwin Espinosa at Rafael Ragos ang nauna nilang mga pahayag laban sa dating senadora. 

Binawi rin ng co-accused ni De Lima na si Ronnie Dayan ang mga pahayag na kaniyang binitawan noon laban sa dating senadora dahil aniya, pinilit lamang siyang tumestigo noon laban kay De Lima.

Sa kasalukuyan, nakahain ang dalawang motion for bail ni De Lima para sa natitirang dalawang kaso nito. Ayon kay De Leon, kapag pinayagan ng korte ang dalawang mosyon, maaari nang magpiyansa si De Lima para makalaya na ito. 

Ilang beses na ring na-fact check ng ABS-CBN ang Showbiz Fanaticz YouTube Channel dahil madalas itong magpakalat ng maling impormasyon.

Sa kasalukuyan, mayroon nang lampas 32,600 views at 1.4k likes ang nasabing pekeng video patungkol kay De Lima. 

-    With research from Yev Monarquia, ABS-CBN Investigative & Research Group 

ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.