FACT CHECK: Hindi magtatayo ng naval base ang US sa Subic Bay sa ilalim ng EDCA

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Jul 07 2023 06:01 PM | Updated as of Jul 07 2023 06:56 PM

FACT CHECK: Hindi magtatayo ng naval base ang US sa Subic Bay sa ilalim ng EDCA

Hindi totoong muling bubuhayin ng militar ng United States (US) ang dating naval base nito sa Subic Bay sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), tulad ng sinasabi sa isang YouTube video.

Ang nasabing video, na ini-upload ng YouTube channel na “US Military Tech” noong Mayo 27, 2023, ay may pamagat na “US Military Revives US Naval Base in Subic Bay to Defend Philippines from Chinese Invasion.” 

Sinasabi rin sa video: “The strategic sites that will be utilized by the American military include Subic Bay, once a significant US Navy base and contributed to the local economy.” Maririnig at makikita rin sa video ang pahayag na “US forces returning to the Philippines to counter China threats.”

Umani na ng 145,000 views ang video hanggang nitong Hulyo 7. 

Ginamit ng US Navy bilang base militar ang Subic Bay sa Zambales mula 1947 hanggang 1992. Isinara ito nang tanggihan ng Senado ng Pilipinas ang extension ng pag-upa at paggamit ng US ng mga base sa Pilipinas.

Noong Mayo 24, 2022, isinagawa ang activation at symbolic docking ng BRP Antonio Luna (FF151) sa Naval Operating Base ng Philippine Navy sa Subic Bay na magsisilbing kanilang pangunahing naval support at logistics hub.

Symbolic docking ng BRP Antonio Luna sa Subic Bay. Larawan mula sa Philippine Navy/Facebook
Symbolic docking ng BRP Antonio Luna sa Subic Bay. Larawan mula sa Philippine Navy/Facebook

Ang Subic Bay ay hindi kabilang sa siyam na EDCA sites. Sinabi ni dating Department of National Defense (DND) officer-in-charge Carlito Galvez Jr. na hindi inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging isang EDCA site ang Subic Bay dahil sa “political sensitivities,” ayon sa balita ng Manila Bulletin.

Ang mga sumusunod ay ang siyam na naaprubahang EDCA site:

 •    Naval Base Camilo Osias, Santa Ana, Cagayan
 •    Camp Melchor Dela Cruz, Gamu, Isabela
 •    Balabac Island, Palawan
 •    Lal-lo Airport, Cagayan
 •    Cesar Basa Air Base, Pampanga
 •    Fort Magsaysay Military Reservation, Nueva Ecija
 •    Lumbia Air Base, Cagayan de Oro
 •    Antonio Bautista Air Base, Palawan
 •    Mactan Benito Ebuen Air Base, Cebu

Ang EDCA, na nilagdaan noong Abril 28, 2014, ay nagpapahintulot sa mga pwersa ng US na ma-access ang mga napagkasunduang lokasyon sa Pilipinas sa isang rotational basis.

Limang lokasyon sa ilalim ng EDCA ang unang napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US noong Marso 2016. Apat na lokasyon ang naidagdag batay sa magkahiwalay na press release ng DND at Department of Defense ng US noong Abril 3, 2023.

Ang mga lokasyong gagamitin bilang EDCA sites ay pagmamay-ari at kinokontrol ng Pilipinas, ayon sa Artikulo V, Sec. 1 ng kasunduan sa EDCA.

Ang mga ito ay magiging kampo ng militar kung saan maaaring magsanay ang mga sundalo ng Pilipinas kasabay ng sundalo ng Amerika. Ibabalik ang mga ito sa Pilipinas kapag hindi na gagamitin ng US para sa kanilang aktibidad sa ilalim ng EDCA.

Sa press release na inilabas ng DND noong Abril 5, 2023, sinabi ni Galvez na ang EDCA ay para sa modernisasyon ng alyansa ng Amerika at Pilipinas. 

“Aside from enhancing our posturing of forces to address both external and internal security threats and challenges, we expect the construction of facilities and infrastructure upgrades to further help us ensure the welfare of our people,” dagdag ni Galvez.

Nilinaw rin ni Pangulong Marcos Jr. noong Abril 10, 2023 na hindi gagamitin ang mga EDCA site upang maglunsad ng opensiba. Ito ay matapos ipahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na magdudulot lamang ng pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas ang mga bagong lokasyon.

“Ang reaction ng China ay hindi naman siguro katakataka dahil nag-aalala sila. Pero hindi naman tayo papayag na Pilipinas, hindi tayo papayag na gamitin ang mga bases natin para sa kahit anong offensive na aksyon. Ito ay para lamang tulungan ang Pilipinas ‘pagka nangangailangan ng tulong ang Pilipinas,” paliwanang ni Marcos. Jr. 

Ayon pa sa Pangulo, ang expanded access ng US military sa Pilipinas ay layong makapagbigay ng tulong tuwing may sakuna at kamalidad. Dagdag pa niya, ang lokasyon ng mga bagong EDCA site ay nasa disaster-prone areas ng Pilipinas.

- With research from Felicity C. Santos, ABS-CBN Investigative and Research Group Intern