FACT CHECK: Hindi si Marcos Sr. ang nagpagawa ng NAIA

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Jul 07 2022 08:59 PM

FACT CHECK

Hindi si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang nagpagawa ng Manila International Airport, na ngayo’y tinatawag nang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). 

Bago pa man maluklok sa pwesto si Marcos Sr. noong 1965 ay 4 na taon nang nakatayo ang noo’y Manila International Airport. 

Taliwas ito sa nakasaad sa paunang salita ng House Bill No. 610 na inihain ni Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo Teves Jr. noong Hunyo 30 na naglalayong palitan ang pangalan ng paliparan na NAIA at gawin itong “Ferdinand E. Marcos International Airport.”

“It is more appropriate to rename it to the person who has contributed to the idea and execution of the said noble project. This project was done during the time of the presidency of Ferdinand Marcos Sr.,” ayon kay Teves Jr. sa kanyang introductory note ng panukala.

“It is more appropriate to bear the name that has contributed… in our country to make the Philippines a center of international and domestic air travel, who has instituted and built or conceptualized the project,” dagdag ng mambabatas. 

Pero ayon sa mismong website ng Manila International Airport Authority (MIAA), 1953 nang matapos ang “international runway and associated taxiway” ng paliparan, samantalang noong 1961 naman natapos ang control tower nito. Apat na taon pa ang nagdaan bago maluklok si Marcos Sr. bilang Pangulo. 

Sa isang panayam ni Teves Jr. sa ANC noong Hulyo 6, sinabi niya ang dating pangulo daw ang “nagpagawa” ng paliparan. 

“Bakit s’ya ipapangalan sa tao na binaril doon sa airport?” dagdag pa ni Teves.

Rehabilitasyon at pagpapaunlad ang naging kontribusyon ni Marcos Sr. sa paliparan. 

Sa pamamagitan ng Executive Order 381 noong 1972 ay iniutos niya na paunlarin ang mga terminal buildings at mga kaugnay na navigational aid at communications facilities nito. Naisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng US$ 29.6 milyon na utang sa Asian Development Bank na katumbas sa nasa P190.48 milyon noong mga panahong iyon. 

Sa pamamagitan naman ng Republic Act 6639, na naisabatas noong Nobyembre 27, 1987, napalitan ang pangalan ng paliparan at naging Ninoy Aquino International Airport o NAIA bilang paggunita kay dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na pinatay noong 1983 sa tarmac nito. 

— With research from Adrian Kenneth Halili, ABS-CBN Investigative & Research Group

ABS-CBN News is part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.