Walang anumang sinabi si Ilocos Norte First District Rep. Sandro Marcos na magpapasa siya ng batas na magpapahaba sa termino o panunungkulan ng Presidente at Bise Presidente.
Taliwas ito sa pamagat at paratang ng isang video na inupload ng “Showbiz Fanaticz” channel sa YouTube noong Hulyo 4.
Ang naturang video ay may pamagat na “NOW NA! SANDRO MARCOS, BINARA AGAD ang DILAWAN| TERMINO ni PBBM at VP SARA IPAPA-EXTEND AGAD!” Ipinakita nito ang 2 pinagtagping video mula sa isang ambush interview kay Marcos noong Hulyo 4 sa House of Representatives. Ang naturang video ay galing sa Facebook page ng People’s Television Network o PTV na inilibas noong araw ding iyon.
Sa timestamp na 1:19, makikita sa video ni Showbiz Fanaticz ang inilapat na tekso na: “Cong. SANDRO MARCOS, MAGPAPASA AGAD NG BATAS PARA MA-EXTEND ang PANUNUNGKULAN ng PANGULO at IKALAWANG PANGULO!”
Pero kung panonoorin ang buong video, wala namang binanggit si Marcos na ganito.
Sa katunayan, nang tanungin siya tungkol sa iminumungkahing charter change, sinabi ni Marcos na kailangan niya muna itong pag-aralan.
“Like I said, kailangan kong pag-aralan muna. I don’t want to talk about any legislative priorities right now. With regards to Cha-Cha, I think there are much better legal luminaries who are already quite entrenched here in the House who will be much better suited to answer that question,” sabi ni Marcos.
Ang tinutukoy na charter change sa panayam ay ang inihaing “Resolution of Both Houses No. 1” ni Pampanga Third District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. noong Hunyo 30, 2022 kung saan ay iminumungkahi niyang maging 5 taon ang termino ng Presidente na maaaring tumakbong muli para sa ikalawang termino.
Sa kasalukuyang batas, limitado lamang sa isang termino ang Presidente. Nakasaad sa Article VII Section 4 ng Saligang Batas na hindi maaaring tumakbong muli ang Presidente pagkatapos ng 6 na taon sa puwesto. Ang Bise Presidente naman ay maaaring tumakbo ng hanggang ikalawang termino lamang.
Pero ayon kay Gonzales, hindi sapat ang 6 na taon para sa isang Presidente.
"A long-term solution is wanting; hence, longer term policy on good and competent leadership should be put in place,” sabi ni Gonzales.
Nilinaw naman ni Gonzales na kung maaprubahan ang kanyang panukala, hindi pa rin maaapektuhan ang termino nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte.
"Kung maa-approve po ng 19th Congress, mag-start po ito 2025, midterm po ito ng ating Pangulo and Vice President. Hindi na po sila pwede tumakbo sa bagong batas na ito,” sabi ni Gonzales.
Mayroon nang 12,640 views ang video ni Showbiz Fanaticz. Hindi rin ito ang unang pagkakataon na na-fact check ng ABS-CBN ang YouTube Channel na ito.
Ang channel na ito na ginawa noong Nobyembre 2017 at mayroon nang higit 3,400 na uploaded videos na may kabuuang halos 300 milyong views.
— With research from Ciara Annatu, ABS-CBN Investigative & Research Group
ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.