PatrolPH

'Nagtatanim na lang': Mga tricycle driver naghihigpit ng sinturon dahil sa kapos na kita

ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2022 05:08 PM | Updated as of Jun 25 2022 08:41 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Habang naghihintay ng pasahero, pumitas muna ng talbos ng kangkong si Arturo Gallego sa loteng katabi ng kanilang paradahan sa Maginhawa St. sa Diliman, Quezon City. 

Ito na ang kanilang ulam sa pananghalian kasama ng iba pang mga tricylce driver. 

Kung bibilhin, gagastos pa sila ng P10 hanggang P15 kada tali ng kangkong -- hindi na rin nila ito sasahugan ng sardinas dahil P20 hanggang P24 na ang presyo ng isang maliit na lata nito. 

Bagay ito na hindi pasok sa kanilang budget. 

 "Yung mga tanim ko riyan yung talbos at gabi para maibsan lang yung gutom na hinarap namin sa ngayon," ani Gallego. 

Nagtayo na ang mga driver ng maliit na kusina sa paradahan at nag-aambagan ng P20 upang makabili ng bigas. Para mas lalong maka-menos, kahoy ang kanilang panggatong. 

Pero may iba silang kasamahan na tigil-pasada muna. Mula sa 165 na pumapasadang tricycle sa lugar, nasa 50 na lang ang gumarahe dahil bokya ang kita. 

"Kinakapos na sila sa kanilang kita, hindi na sapat sa kanilang pamilya," ani Gallego. 

Kuwento pa ng isa pang tricycle driver na si Jessica Timbulan, kalahating araw na siya bumibiyahe pero hindi pa umabot sa P100 ang laman ng kaniyang bulsa. 

"Hirap po talaga ang gasolina ang taas tapos yung pamasahe hindi tumataas kaya kukuha lang pangkain, kanina pakong alas-6 umaga lumabas P80 pa lang kita ko," aniya.

Suma-sideline na rin siya sa ibang trabaho. 

Matatandaang may fuel subsidy na ibinigay ang gobyeno para sa mga apektadong operator at driver ng PUV. Umaabot na rin sa higit 260,000 ang natulungan ng unang tranche ng naturang programa. 

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, umabot sa higit 260,000 ang natulungan ng unang tranche ng naturang programa. Posibleng maipamahagi ang ika-2 bugso ng fuel subsidy sa susunod na buwan. 

Pero ayon kina Gallego, wala silang natanggap. 

"Hangang ngayon po wala naman sinasabi nila nabigay na raw eh nasaan? Yung panagako ata nila napako na eh," aniya. 

Inaprubahan na ng Quezon City local government ang provisional fare hikes kung saan P10 na mula P9 ang unang kilometro ng biyahe ng mga tricycle sa lungsod. 

Hinihintay na lamang ang pirmadong resolusyon bago ilabas ang bagong matrix. 

-- Ulat ni Reniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.