FACT CHECK: Hindi sinibak si Hontiveros sa pagiging senador

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Jun 20 2022 03:28 PM

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2022/news/06/20/20220620-risa-hontiveros.jpg

Hindi totoong natanggal bilang senador si Risa Hontiveros, taliwas sa pamagat ng isang video ng YouTube channel na “JONZ TV” noong Hunyo 9. Sa katunayan, muli siyang uupo sa Senado sa darating na Kongreso matapos manalo ng ikalawang termino sa nakaraang halalan. 

Bagama’t may pamagat ang video ni “JONZ TV” na “JUST IN: NAKARMA na! LAGOT HONTIVEROS TANG-GAL NA Matapos ILABAS ang EBIDENSYA ni BBM-SARA PDU30,” wala namang sinabi sa anumang bahagi nito na nasibak si Hontiveros sa pagiging senador. 

Ang tanging isinalaysay sa video ni “JONZ TV” ay ang mga kasong isinampa ng abugadong si Ferdinand Topacio kay Hontiveros kaugnay ng diumano’y anomalya sa Pharmally.

Sinabi sa 4:02 timestamp ng video: “Marami sa ating kababayan ngayon ang nagulantang sa kasong isinampa ni Attorney Ferdinand Topacio dahil sa huli ay tila matuturuan na daw ng leksyon ang isa sa mga senador (Risa Hontiveros) na talaga namang pinanggigigilan ngayon ng marami sa ating mga kababayan.” 

Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon ay sinampahan ng mga abogado ng Pharmally si Hontiveros ng reklamo sa Ombudsman dahil sa diumano’y panunuhol nito sa isang testigo para humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee kaugnay ng umano’y maanomalyang pandemic deals ng gobyerno at Pharmally noong nakaraang taon. 

Pero wala pang ibinababang desisyon ang Ombudsman hinggil sa sa mga naturang reklamo hanggang ngayon. 

Wala ring kapangyarihan ang Ombudsman para magdisiplina ng mga miyembro ng Kongreso. Ayon sa Section 21 ng Republic Act 6770 o “Ombudsman Act of 1989”: 

“The Office of the Ombudsman shall have disciplinary authority over all elective and appointive officials of the Government… except over officials who may be removed only by impeachment or over Members of Congress, and the Judiciary.”

Ayon sa batas, tanging ang Senado lamang ang may karapatang magpataw ng disiplina at magtanggal sa pwesto ng mga miyembro nito.

Nakasaad sa Article VI, Section 16 (3) ng Saligang Batas

“Each House may determine the rules of its proceedings, punish its Members for disorderly behavior, and, with the concurrence of two-thirds of all its Members, suspend or expel a Member. A penalty of suspension, when imposed, shall not exceed sixty days.”

Pero walang napabalitang sinibak si Hontiveros sa Senado sa ganitong pamamaraan.

Nakatakdang muling maupo si Hontiveros sa darating na Kongreso matapos siyang maiproklama ng Commission on Elections bilang isa sa 12 nanalong senador noong Halalan 2022.

ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.