PatrolPH

DA aminadong 10% lang ng mga magsasaka, mangingisda ang napaabutan ng tulong

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2022 07:52 PM

MAYNILA — Umabot lang sa 10 porsiyento o 1.5 milyon na mga magsasaka at mangingisda ang napaaabutan ng tulong ayon sa Department of Agriculture.

Base sa datos ng DA, 11 milyon ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Sa isang webinar nitong Huwebes, sinabi ni Agriculture Undersecretary Rodolfo Vicerra na nananatiling isa sa pinakamahirap na mamamayan ang mga nasa sektor ng agrikultura.

"Now, between 1.5 to 2.5 million farmers and fishers were being assisted by the DA with all those ayudas," sabi ni Vicerra.

Noong 2015, nasa 900,000 na magsasaka lang ang nabigyan ng tulong ng kagawaran sa pondong P20 bilyon.

Aminado ang DA na maliit lang ang pondong kanilang nakukuha upang magbigay ng tulong sa mga magsasaka.

"If you have a budget of P70 billion this year and a little over 1/3 of that goes to personnel and administrative expenses here and so much goes to other obligations, napakakaunti na ng mapupunta sa mga farmers," paliwanag ni Vicerra.

Suhestiyon ni Raul Banzuela, executive director ng Pambansang Kilusan ng Magsasaka, kailangan na magkaroon ng organisadong kooperatiba ang mga magsasakang Pilipino.

Maganda aniyang gawing modelo ang Vietnam Farmers National Union kung saan bahagi ang 9 na milyong Vietnamese na nasa sektor ng agrikultura.

"Their farmers are organized, their budget is 3 times larger than us. How I wish that research would be given a section on this, we really don’t know much how many of our 10 million farmers are managed," ayon kay Banzuela.

Binigyang-diin naman ni Dr. Larry Lacson ng Philippine Chamber of Commerce - Agriculture and Fisheries Committee na "walang negosyo kung hindi kikita ang farmers, so we have to maintain that the farmers are profitable, if not wala kaming pag-uusapang negosyo."

Magiging epektibo rin umano ang KADIWA o ang pagtitinda ng mga local produce sa isang lugar kung kooperatiba ang lalahok rito.

Karaniwan umano ng mga nagtitinda sa KADIWA market ay solo farmer kung kaya’t hindi nabibigyan ng pagkakataong mabili ang produkto ng mas maraming magsasaka.

Ngayon taon, mas bibigyang pansin umano ng DA ang "clustering" para mas mapaganda ang ani at huli ng mga magsasaka.

Patuloy rin ang kanilang panghihikayat sa mga kabataan na pasukin ang agricultural sector.

Isa umano itong pamamaraan upang matiyak ang food security sa mga susunod pang taon.

Sa pag-aaral ng DA, nasa pagitan ng 57 hanggang 59 ang average age ng mga magsasaka sa Pilipinas.

Bukod sa problema sa suplay ng pagkain, ang patuloy umanong pagkaka-edad ng mga magsasaka ay maaaring magdulot ng mas maraming "land conversion" o pagbebenta ng lupang sakahan at pagtatayo ng iba’t ibang establisimyento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.