PatrolPH

Tsuper dumadaing dahil 90 porsiyento ng kita, napupunta sa krudo

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2022 07:58 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Halos magdamag nang namamasada ng jeep na biyaheng Cubao si Gervacio Rinsal. 

Dahil sa taas ng presyo ng petrolyo, 90 posiyento umano ng kaniyang kita ay napupunta lang sa krudo. 

Nagkaroon man ng dagdag-piso sa pamasahe, nananatiling P200 lamang ang kaniyang take-home pay sa loob ng 24 oras na biyahe dahil sa tumal ng pasahero. 

"Doon lang napupunta sa diesel yung kinakayod namin. Kung aabot 'to ng P100 kada litro uuwi na lang kami sa probinsya sa Negros," ani Rinsal. 

Ngayon, magkakaroon pa ng malakihang oil price hike. 

Simula nitong Enero, umabot na sa P23.85 kada litro ang nadagdag sa presyo ng gasolina, P30.30 naman sa diesel at P27.65 sa kerosene. 

Bukod pa dito, inaasahan pa ang P4.25 kada litrong dagdag-presyo sa diesel; P1.50 hanggang P1.75 kada litrong taas-presyo ng gasolina at P4.75 hanggang P5 na taas-presyo sa kerosene. 

Ayon sa mga taga-industriya, ito ay dahil sa oil embargo na ipinataw ng ilang European countries sa Russia. 

Lumuluwag na rin ang lockdown sa China kaya tumataas ang demand. 

-- Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.