PatrolPH

Mga kaso ng child pornography sa Pilipinas, dumarami: DOJ

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2023 02:41 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA -- Lumobo ang bilang ng mga kaso ng child pornography sa Pilipinas noong nagsimula ang pandemya, ayon sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime.

Isa ang Pilipinas sa mga nangungunang bansa na maraming kaso ng online sexual abuse kung saan umabot sa halos 500,000 cyber tips ang natanggap ng DOJ Office of Cybercrime.

Itinuturing na global hotspot ang bansa sa child pornography.

Ayon kay SaferkidsPH Project Coordinator April Anne Correa, may mga insidente na pati ang mga kabataan ay nai-expose na sa ganitong kaso ng sexual abuse.

Kahirapan ang pangkaraniwang dahilan ng mga facilitators kung bakit nila pinapasok ang ganitong krimen.

“Talaga nga pong hindi na mababawi 'yong epekto ng ginawang krimen sa mga bata sa kanilang pagkatao, 'yong trauma sa kanila na naidudulot hindi po siya basta-basta,” ani Correa sa panayam sa DZMM Teleradyo, Sabado.

Saad pa niya, malaking hakbang ang pagpasa ng RA 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act para malabanan ang krimen na ito. Nanawagan naman siya sa mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang batas na ito para masiguro ang kaligtasan ng mga bata sa mga ganitong klase ng abuse.

“‘Yung pagkakaroon po ng ordinansa is napakalaking tulong para mabuhusan po nila ng programs, mga plano, at mga activities ‘yung anti OSAEC efforts at pati ‘yung pagresponde po when it comes to actual cases. Pag-ensure na ang ating communities ay may sapat na kaalaman tungkol sa OSAEC,” ani Correa.

“Kailangan po nating i-stress sa communities na hindi po sapat na reason ‘yung kahirapan para po ibenta ang mga anak at pagkakitaan, to strip them off their dignities para lang sa kakarampot na amount at babalik at babalik po ‘yun sa mga bata kasi ‘yung digital content po hindi naman po siya basta-basta nawawala,” dagdag niya.

Ayon kay Correa, maaaring i-record ng perpetrators ang livestreaming ng sexual abuse at ibenta ito sa black market. Mayroong din mga cases na syndicated ang krimen kung saan na may systems sila na sinusunod. Isa na nga rito ang kaso ng isang facilitator na nakapag-recruit ng halos 100 na mga bata na sekswal na inaabuso ng mga kliyente abroad.

Samantala, ibinahagi ni Correa na tuwing rescue operation lamang nare-realize ng mga bata na mali ang ginagawa nilang pornography sapagkat na-groom na umano sila ng kanilang mga magulang o ng facilitators at pinaniniwala na tama ang ginagawa nila.

Sa kasalukuyan, pinagtibay na ang batas kung saan nagdagdag na ng mga termino katulad ng pagsama ng mga live streaming bilang grounds sa krimen at ang pagsisiguro na walang pornographic content o exploitation abuse sa mga internet cafe o kiosk na mga establisyimento.

Sa batas, kinokonsidera ang edad na 0-17 years old bilang mga biktima ng child pornography.

Napagalaman na ang pinakabatang biktima ng online sexual abuse ay wala pang isang taong gulang. -- Ulat ni Yna Salazar, ABS-CBN News Intern

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.