FACT CHECK: Hindi maapektuhan ang pension sa pagpaparehistro sa Senior Citizens Commission

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at May 25 2023 06:16 PM | Updated as of May 25 2023 06:24 PM

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2023/news/05/25/05252023-fact-check-sc.jpg

Hindi totoong mapuputol ang pension ng mga senior citizen kung sila’y hindi magpaparehistro sa website ng National Commission of Senior Citizens (NCSC). Hindi rin totoong magkakaroon sila ng karagdagang pension kapag nagparehistro sa website ng ahensya. Ito ay salungat sa mga kumakalat na mensahe sa text, social media, at private messaging platforms.

Paglilinaw ng NCSC, ang pagpaparehistro ng mga senior citizen sa website ng ahensya na www.ncsc.gov.ph ay walang kaugnayan sa kanilang pension. Ang pagpaparehistro ay isang proyekto ng ahensya upang makabuo ng database ng lahat ng senior citizen sa bansa.

“This registration of senior citizens is a real ongoing project by the NCSC so that the country will have, once and for all, a single database for all senior citizens in the country. This will later on be beneficial in the grant of assistance and formulation of programs for senior citizens by the NCSC,” paliwanag ng NCSC.

Hinihikayat ng NCSC ang mga senior citizen na magparehistro sa opisyal na website ng ahensya. Paalala nila, kumuha lamang ng impormasyon mula sa website ng ahensya at huwag maniwala sa mga nababasa o nakikita sa social media.

“Senior citizens who are not computer literate are advised to register through their close relatives or people whom they trust and not to provide any of their personal data to any other person,” panawagan ng NCSC. 

Hindi ito ang unang beses na may kumalat na maling impormasyon tungkol sa pensiyon, benepisyo, at programang may kaugnayan sa senior citizen. Noong Pebrero 27 nitong taon unang kumalat ang fake advisory na naglalaman ng sumusunod na pahayag:

“National Commission of Senior Citizen(NCSC) R.A. 11350. All Senior Citizen pensioner or nonpensioner will receive 1k per month or 3k every 3months under the NCSC ang Office of the Senior Citizens Affair no longer under DSWD but under NCSC. Register online www.ncsc.gov.ph The 1k monthly pension will take effect on March 2023.”

Agad pinabulaanan ng NCSC sa isang press statement ang mga binanggit na maling impormasyon sa fake advisory at nilinaw na hindi sa kanila galing ang naturang mensahe.

Sinabi ng NCSC na hindi totoong makatatanggap ng P1,000 kada buwan ang mga senior citizen na hindi pensiyonado sapagka’t wala pang batas para rito.

Ang batas na sana’y sasakop dito ay ang isinusulong pa lamang na universal social pension, o iyong pagkakaroon ng buwanang pensiyon ng lahat ng senior citizens anuman ang kalagayan at antas sa buhay. Ang panukalang batas para sa universal social pension o House Bill No. 6309 ay kasalukuyang nakabinbin sa Kamara de Representantes.

“What is still in effect when it comes to social pension is Republic Act (RA) 9994, as amended by RA 11916, which is given only to Indigent Senior Citizens,” paliwanag ng NCSC.

Batay sa RA 9994, o Expanded Senior Citizens Act of 2010, ang mga indigent senior citizen ay makatatanggap ng P500 na stipend kada buwan.

Ayon sa batas, ang mga indigent senior citizen ay ang mga nakatatandang mahina, maysakit, may kapansanan, at walang pensiyon o permanenteng pinagkukunan ng kita, kompensasyon, o tulong-pinansiyal mula sa kanilang mga kamag-anak upang suportahan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 4,079,669 indigent senior citizens ang kwalipikadong makatanggap ng P500 na stipend kada buwan noong 2022.

Sinabi ng NCSC na hindi rin totoong tataas sa P1,000 ang stipend kada buwan ng mga indigent senior citizen simula ngayong Marso ngayong taon.

Paliwanag ng NCSC, bagama’t iniuutos ng RA 11916, na ipinasa noong July 30, 2022, ang pagtaas sa P1,000 ng buwanang stipend mula sa kasalukuyang P500, hindi pa nakapaglaan ng pondo para rito ang Department of Budget and Management (DBM) at National Treasury. 

Taliwas sa nabanggit sa fake advisory, hindi rin totoong ililipat sa NCSC ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) mula sa DSWD.

Sabi ng NCSC, ang RA 11350, ang batas na ipinasa noong 2019 para itatag ang NCSC, ay hindi naglalaman ng probisyon para ilipat ang OSCA sa pamamahala ng NCSC.

Ang OSCA ay nasa ilalim ng lokal na pamahalaan, at hindi ng DSWD, alinsunod sa RA 7432. Walang kahit anong batas na naguutos na ilipat ito sa pamamahala ng NCSC.

Ang RA 11350 ay nagbibigay ng mandato sa NCSC upang siguruhing naipatutupad ang mga batas, patakaran, at programa ng pamahalaan na nauukol sa mga senior citizen.

Ang DSWD ang kasalukuyang namamahala ng stipend ng mga indigent senior citizen sa ilalim ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPISC).

Alinsunod sa RA 11916, na ipinasa noong 2022, ang mga tungkulin at gawaing may kaugnayan sa senior citizen ay dapat mailipat mula DSWD patungo sa NCSC sa loob ng tatlong taon mula sa pagkabisa ng batas.

Ngunit, ayon sa NCSC, hindi pa ganap na nailipat ang mga ito sa NCSC at patuloy pa ang negosasyon sa pagitan nila at ng DSWD.

“The engagement plan for the transfer of the functions, projects, programs, plans and activities relating to poor, vulnerable and disadvantaged senior citizens from the DSWD to the NCSC (which include the SocPen [social pension]) is still the subject of negotiations between the said two agencies,” ani ng NCSC sa isang pahayag na ipinadala sa ABS-CBN.