Kasama sa bahay, dapat bang payagang angkas sa motorsiklo?

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 03:30 AM

MAYNILA -- Nanawagan ang isang mambabatas nitong Huwebes sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagang mag-backride sa motorsiklo ang dalawang tao na magkasama sa bahay.

“Hinihikayat ko ang IATF-EID na pag-aralang maigi ang panukalang ito na payagan ang dalawang tao na nakatira sa iisang bahay na mag-backride,” ani Misamis Occidental 1st District Cong. Diego “Nonoy” Ty.

Ayon kay Ty, wala dapat ipag-alala sa pagkalat ng novel coronavirus sa apela niya dahil magkasama naman sa isang bahay ang mga sasakay.

“Hindi naman sila nagsasagawa ng social distancing sa loob ng kanilang mga bahay, kaya bakit natin sila pipigilang sumakay sa motorsiklo na magkasama,” ani Ty.

Dagdag pa ni Ty, maaaring ituring na "anti-poor" ang patakaran na nagbabawal sa pag-aangkas sa motorsiklo ang mga magkasama sa bahay habang puwede namang sumakay sa kotse ang higit sa isa.

Ayon sa kongresista, mungkahi niyang maglatag ng mekanismo ang mga lokal na pamahalaan, partikular ang mga barangay, para masiguro na magkasama nga sa isang bahay ang sakay ng motorsiklo.

“Kasabay ng pagbukas natin sa ekonomiya, malaki ang maitutulong nito sa mahihirap nating mga kababayan na sumasakay sa motorsiklo sa pagpasok sa trabaho at pagbili ng mga pangangailangan,” ani Ty.

Para kay Ty, mahalaga ring mapaluwag na ang patakaran sa pag-aangkas sa motorsiklo, lalo ngayong marami nang tao ang nagbabalikan sa kanilang mga trabaho.

Umapela naman sa isang Facebook post si Cavite Governor Johnvic Remulla kay Health Secretary Francisco Duque III na payagan ang mga mag-asawa na mag-backride sa motorsiklo.

Paliwanag ni Remulla, naghahati-hati naman ang mga mag-asawa sa iba't ibang aspeto gaya ng pagsasalo-salo ng pagkain, pati ang pagsasama sa iisang kotse. 

Inirerekomenda niya na bigyan ng mga lokal na pamahalaan ng "couple's pass" ang mga papayagang mag-backride, sakaling aprubahan ito ng gobyerno.