Ngayong tag-init, tiyak na maraming tao ang magbabakasyon at magpaplano ng kanilang biyahe. Sa katunayan, inaasahan ng Department of Tourism (DOT) na ganap na babalik ang sigla ng turismo ng bansa ngayong taon matapos ang naranasang COVID-19 pandemic.
Ngunit karaniwang tinatarget ng mga online scammer ang mga ganitong panahon kung saan libo-libo ang bumabyahe, nagbu-book ng bakasyon, at naghahanap ng activities. Nagiging talamak na modus ngayon ang mga fake website na nag-aalok ng mga pekeng transport ticket, hotel booking, o travel package.
Ilang beses na ring nakapag-fact check ang ABS-CBN ng mga nagpapanggap na lehitimong website ng mga bangko o ahensya ng gobyerno. Isang halimbawa ay ang pekeng One Health Pass website na diumano’y naniningil ng bayad sa mga gumagamit nito. Ilang beses itong na-fact check ng ABS-CBN pero patuloy pa rin ang paglabas ng iba’t ibang pekeng bersyon ng website.
Ayon sa PNP-Anti Cybercrime Group ang mga “fraudulent” o scam websites ay i-dinisenyo upang makakuha ng importanteng impormasyon tulad ng mga username o password, bank o credit card information, address at iba pa.
Sa pagdami ng makabagong teknolohiya, nagiging high-tech na rin ang mga oportunista. Narito ang ilang paalala na dapat tandaan upang maiwasan mabiktima ng mga pekeng website at online scam:
1. Ugaliing i-check ang website address o URL at ang page content nito
Kadalasang ginagaya ang mga sikat na website upang makakuha ng personal na impormasyon. Ugaliing tingnan kung tama ang website address o URL na makikita sa itaas ng screen. Minsan mali ang spelling o nadadagdagan ng letra o simbolo ang URL.
2. Tignan ang SSL/TLS certificate at ang padlock symbol
Tingnan maigi kung mayroong padlock symbol na katabi ang website address. Kapag mayroon nito, ibig sabihin nakatanggap ng ligtas na SSL/TLS security certificate ang may-ari ng website. Maaaring palatandaan ito na ang website ay lehitimo o hindi mapanlinlang na website. Makikita rin na nakalagay na ang mga impormasyon na ipapasok sa website ay ligtas at hindi makukuha ng iba. Ngunit ang SSL/TLS certificate ay hindi isang garantiya ng kumpletong kaligtasan. Kung pupunta sa isang kilalang website, mas makakabuting i-type na lamang ng buo ang URL.
3. Hanapin ang site map o search bar
Kadalasan ang mga pekeng website ay may iisang page lamang o halos walang laman. Ang isang lehitimong website ay dapat may mga pangunahing pahina, tulad ng “About Us” at “Contact Us” pages.
4. Tignan ang About page at suriin ang contact information
Sa “About Us” page mababasa ang mga importanteng detalye tungkol sa website at kadalasan makikita rin ang mga polisiya ng kompanya.
Suriin ang contact information sa “Contact Us” page. Mag-ingat sa mga kahina-hinalang contact information, tulad ng isang yahoo e-mail address, o kung mayroon lamang isang form na pupunan sa page sa halip na isang address, numero ng telepono, o internasyonal na numero. Karaniwang ginagamit ng mga pinagkakatiwalaang retailer ang pangalan ng kanilang kompanya o ang domain name ng site sa kanilang e-mail address.
Kung hindi sigurado, maaaring subukang tawagan o kontakin ang mga impormasyon na nakalagay sa website. Kung hindi ka nakakakuha ng sagot sa mga normal business hours o ang numero ay out of service, maaaring hindi lehitimo ang website.
5. Suriing mabuti ang laman ng website
Obserbahang mabuti ang mga lumang post o laman ng website. Ang mga larawan na may mababang resolusyon at may kakaiba o hindi maayos na layout ay maaaring senyales ng isang scam.
Sa mga travel at booking website, suriin ang mga kahina-hinalang review ng mga customer at ang kanilang profile. Kung kinakailangan, maaaring gumamit ng reverse image search upang i-check kung ang litrato ng user or ng isang lugar ay hindi totoo at isa lamang stock photo, o iyong mga larawan sa internet na ginagamit nang libre o may bayad.
6. Suriin kung tama ang spelling at grammar ng isang website
Kahinahinala kung puno ng maling spelling, grammar errors, o halo-halong uppercase at lowercase ang mga letra sa website ng mga malalaki o kilalang kompanya. Kung makakita ng ganito, suriin pang mabuti ang ibang laman ng website at i-double check ang URL kung tama ito.
7. Huwag mag-click ng mga kahinahinalang teksto, links, o pop-up windows
Kapag nakakita ng kahinahinalang link o pop-up window huwag itong i-click dahil maaari itong mag-install ng malware sa inyong mga computer.
Ang malware ay isang uri ng mapaminsalang software na kadalasang nakakapasok sa mga computer, kabilang na ang mga computer virus. Dito maaaring magsimulang makuha ang inyong mga personal na impormasyon. Kapag nagkaroon ng access sa inyong mga computer ang hacker maaari ring ma-control ang inyong webcam.
Huwag maglagay ng impormasyon kung kahinahinala ang URL na inyong nakikita.
8. Iwasan ang mga website na nag-aalok ng masyadong murang mga deal
Ang mga online scam ay madalas na nangangako ng napakalaki o napakagandang kapalit para sa napakababang presyo o napakalaking discount. Madalas ang inaalok nilang deal ay mabibili lamang sa loob ng maiksing panahon, o iyong tipong minamadali ka sa pagbili o paggawa ng desisyon.
Ugaliing i-check ang mga alok ng isang website sa iba pang mga website na nag-aalok ng kaparehong produkto o deals. Kung malayo ang pagkakaiba ng presyo nito sa karamihan na alok sa iba pang mga website, maaaring ito ay scam.
9. I-check ang website sa mga lehitimong platform o fake website checker
Upang makita ang safety rating ng website sa Google, maaaring i-check ito sa Transparency Report ng Google. Maaari ring i-type ang pangalan ng website at “scam” sa Google at tingnan kung mayroong anumang mga reklamo tungkol sa site.
10. I-check kung rehistrado o akreditado ng gobyerno ang kompanya ng website
Puwedeng i-check kung ang kompanya ay rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Business Name Registration System ng ahensya.
Para sa mga travel enterprises o mga kompanyang may kinalaman sa turismo, tulad ng mga hotel, travel agency, at tour operator, maaaring i-verify ang pagiging lehitimo nito sa pamamagitan ng tourism portal ng Department of Tourism.
Kung mabiktima ng mga pekeng website, makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at ipagbigay-alam kaagad sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng kanilang mga hotline o e-mail. Narito ang ilan sa kanila:
Enforcement and Investor Protection Department
Securities and Exchange Commission
epd@sec.gov.ph
(02) 8818-6337
NBI Anti-Fraud Division
afad@nbi.gov.ph
(02) 8525-4093
PNP Anti-Cybercrime Group
acg@pnp.gov.ph
(02) 8723-0401 local 5313