Nagpaalala ngayong Huwebes si Department of Health Undersecretary Eric Tayag sa mga posibleng sakit tuwing tag-init.
Aniya, dapat bantayan ng publiko ang anim na "S" ngayong tag-init. Ito ay ang sunburn, sore eyes, suka at pagdudumi, sipon at ubo, sakit sa balat, at sagpang (kagat) ng aso.
"Dapat bantayan ang sunburn na maaaring mauwi sa heatstroke — lalo na 'yung mga hindi sumisilong agad. Sa sobrang init ay talagang maaaring magkaroon ng heat exhaustion or stress," ani Tayag.
Abiso niya, bantayan ng mga pamilya ang kanilang mga matatandang mahal sa buhay dahil sila ang madalas at mabilis tamaan ng heat stroke.
Kailangang maging maingat rin ang publiko sa pagkain ng kung anu-ano lalo na't maraming nagiging selebrasyon o pista tuwing tag-init.
"Alam niyo naman ay uso ngayon ang mga pista at 'yung mga pagkain ay maaaring kontaminado at 'yan ay maaaring maging sanhi ng pagsusuka at pagdudumi," anang opisyal.
Ayon kay Tayag, karaniwan na ring nakikita ang pagdami ng nagkakasipon at ubo tuwing tag-init dahil papasok na rin ang bansa sa "influenza season" na aniya'y baliktad kumpara sa ibang bansa dahil ang influenza season nila ay tuwing taglamig.
Para naman sa mga planong team building o outing ng mga kompanya, sabi ni Tayag ay dapat tiyakin ang kaligtasan ng mga empleyado laban sa init ng panahon.
Nagpayo rin siya sa mga kompanya na bigyan ng karampatang vacation leave ang mga empleyado para mapanatili ang kanilang productivity sa trabaho.
- SRO, TeleRadyo, Marso 23, 2023
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.