Naging ugat ng kalbaryo ng marami ang kawalan ng public transportation kasabay ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
MAYNILA – Ilang oras pa lang matapos ipatupad ang malawakang quarantine sa buong isla ng Luzon, nagkaroon na ng sari-saring daing ang mga Pinoy na naapektuhan ng mga kaakibat na restriksyon ng bagong direktiba.
Sa ilalim ng enhanced community quarantine, dapat ay istriktong ipatupad ang home quarantine at suspendido muna ang mga pampasaherong sasakyan hanggang Abril 12. Ito ay para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Naging ugat ng kalbaryo ng marami ang kawalan ng public transportation.
Ang mga taxi driver, sumugal at pumasada pa rin sa kabila ng utos dahil wala umano silang pagkukuhanan ng pagkain sa araw-araw.
"Magugutom talaga kami pag hindi kami bumiyahe dahil wala kaming pera, wala kaming pambiling bigas. Mahirap pag mahirap. Walang pagkukunan ng kailangan,” naluluhang kuwento ni Reynaldo Alcala, taxi driver.
Hindi rin sapat na kasiguraduhan ang sinabi ng pamahalaan na inatasan ang barangay na pakainin sila habang epektibo ang quarantine.
"Sabi ng gobyerno na tutustusan. Maniniwala kami pag andiyan na. Habang wala ano gagawin namin?" ani Eduardo Panelo, isa pang tsuper.
Ang tindera naman ng gulay na si Carlota Puntilag, higit 2 oras nang nanglalakad mula Divisoria pabalik ng Caloocan bitbit ang kaniyang mga ititinda.
Sabi ng lola, sarado ang lahat ng tindahan sa kanila kaya napilitan siyang dumayo pa sa Maynila para may maibenta lang.
Pero dahil walang masakyan, binuhat niya nang ilang oras ang dala-dalang mga paninda.
"Dapat po hindi naman ganyan ang ginawa... Dapat hindi po pinasara 'yung mga sasakyan kasi mahirap, naghahanapbuhay, walang kakainin. Lalo katulad namin wala kaming pinagkakakitaan kundi kamatis, sibuyas para mabuhay," sabi ng vendor.
Ang commuter naman na si Evelyn Valentin, nanggigil dahil labis ang siningil sa kaniya para lang maihatid sa destinasyon.
"Galing akong Laguna hanggang dito lang naka P500 na ko, hindi pa ko nakakarating ng Bulacan... Nagsabi ng lockdown gabi na. Pano kaming mga panggabi na duty eh di hindi kami makakauwi siyempre," sabi ni Velentin.
Si Janzzen Corasa na namamasukan sa isang botika, mahigit isang oras naghintay ng masasakyan pero wala pa ring mahanap.
Kinapalan na lang daw niya ang mukha na makisabay sa mag-asawang natiyempuhan sa gasolinahan.
Kung hindi, P500 din ang kitang mawawala sa kaniya ngayong araw.
“Diskarte kasi kailangan naming pumasok,” aniya.
Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maglalabas daw ng army trucks lang Department of National Defense upang ihatid-sundo ang mga health worker at iba pang hindi sakop ng enhanced home quarantine.
Sa huling tala nitong Martes, umabot na sa 187 ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health.
Idineklara na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang State of Calamity sa buong bansa sa harap ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.