Peke ang mga kumakalat na text message tungkol sa umano'y unclaimed relief allowance para sa mga senior citizen at mga retired business owner.
Sa pahayag na ipinost ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang opisyal na website, wala umano silang inilalabas na anunsiyo o mensahe tungkol sa nasabing relief allowance. Dagdag pa ng ahensiya, ang peking anunsyong ito at isang uri ng scam.
“The Department clarified that the Department did not issue or publish such [a] message. Likewise, there is no such relief allowance that is being provided to the seniors,” ayon sa DSWD.
Mayroon ding mga nag-post ng screenshot ng nasabing mensahe sa social media. Ang ilang nakatanggap ng text ay hindi pa mga senior citizen.
Kapansin-pansin din ang ilang typographical error sa mensaheng kumakalat, tulad ng “claime” at “ma/sir.” Ang ilan pa sa mga mensahe, magkakapareho ng kalakip na email address.
Sa pahayag na inilabas ng DSWD, sinabi nila na ang financial assistance para sa mga senior citizen ay hawak ng Crisis Intervention Unit (CIU) ng ahensiya. Ito ay makikita sa central office at sa lahat ng DSWD field offices sa buong bansa. Ang mga nabibigyan ng financial assistance ay dumadaan sa assessment bago makakuha ng tulong.
Paalala ng DSWD, suriing mabuti at huwag agad maniwala sa mga natatanggap na text messages. Iwasan din anila ang pagbibigay ng mga personal na impormasyon sa pamamagitan ng text message, email, o tawag.
Sa bulletin na inilabas ng PNP-Anti Cybercrime Group, ipinaliwanag nila na ginagamit ng mga scammer ang mga fake text message na ito upang manlinglang.
Sa pamamagitan nito, maaari nang makuha ang inyong password, account number, at social security number. Kapag nakuha ang mga ito, maaaring magkaroon ng access ang scammer sa mga email at bank account.
INSERT LINK:
Dagdag na paalala ng PNP-ACG, kung mayroong kalakip na link ang kahinahinalang mensaheng natanggap, huwag itong pipindutin. Kung sakaling mabiktima ng ganitong scam, ipagbigay alam kaagad ito sa awtoridad.
Hindi ito ang unang beses na ginamit ang pangalan ng DSWD para sa mga mapanlinlang na post o scam. Ang ilan dito, na fact check na rin ng ABS-CBN.
Panawagan ng DSWD sa mga makakatanggap ng ganitong mensahe, ipagbigay alam kaagad sa kanilang tanggapan o mag-email sa Agency Operations Center ng ahensiya na aoc@dswd.gov.ph.
Dagdag pa nila, kumuha lamang ng mga impormasyon mula sa kanilang lehitimong website at social media account na may handle na @dswdserves.