Manipulado o edited ang litrato na ipinost ng isang Facebook page na may pangalang “Sim Card Registration Help”, kung saan Enero 30, 2023 ang nakasaad na deadline umano ng SIM card registration.
Ang litrato na ginamit sa post na ito ay kapareho ng litrato mula sa opisyal na page ng Department of Information and Communications Technology, o DICT, kung saan makikita ang orihinal na nakasaad na deadline na Abril 26, 2023.
Kapansin pansin din na bagama’t ang petsa sa pekeng litrato ay binago sa Enero 30 mula sa Abril 26, hindi nabago ang pahayag na “Unregistered sims will be deactivated after April 26” na makikita sa orihinal na litrato.
Maliban sa maling impormasyon, nag-aalok din ang Facebook page ng tulong sa pagrerehistro matapos magpalista sa iba’t ibang link na nakalagay sa post.
Kapag pinindot ang link para sa detalye ng SIM card registration, mapupunta ang user sa isang website na may pangalang “Libreng Ayuda Pilipinas,” kung saan makikita ang isang post tungkol sa paraan ng pagpaparehistro ng SIM card.
Ang iba pang link na nakalagay sa post ay magdidirekta sa mga user sa isang blog site na may pangalang “dswd Ayuda and Cash Assistance” at URL na “dswdayudacashassistance.blogspot.com.” Ang ibang links sa Facebook post ay derecho sa blog site na ito. Dito sa blog site hinihingi ang ilang personal na impormasyon para sa pagpaparehistro.
Enero 25 nang huling tingnan ng ABS-CBN Fact Check team ang nasabing blog site, pero hindi na ito aktibo.
Sa isang public advisory ng National Telecommunications Commission o NTC noong Enero 6, pinaalalahanan ng ahensya ang mga magpaparehistro na mag-ingat at huwag maniwala sa mga nag-aalok ng tulong sa pagrehistro ng SIM.
Hindi raw nirerekomenda ng ahensya ang mga naglalabasan sa social media na alok na tulong ng mga pribadong indibidwal. Nilinaw din nila na walang bayad ang pagpaparehistro ng mga SIM.
Paalala ng DICT, gamitin lamang ang mga opisyal na link:
SMART - https://smart.com.ph/simreg
GLOBE - https://new.globe.com.ph/simreg
DITO - https://dito.ph/registerDITO
Ang SIM card registration ay mandato ng Republic Act No. 11934, o ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 10, 2022 para makaiwas ang mga SIM subscriber sa spam at scam messages.
Sa isang pahayag, sinabi ng DICT at NTC na ang deadline ng pagpaparehistro ng SIM sa Abril 26, 2023 ay alinsunod sa probisyon ng SIM Registration Act.
Nakasaad dito na dapat magrehistro ng kani-kanilang SIM ang mga subscriber sa loob ng 180 na araw mula sa petsa nang pagkabisa ng batas. Ang SIM Registration Act ay nagkabisa noong Oktubre 28, 2022, 15 araw matapos itong mai-publish sa Official Gazette at pahayagang Daily Tribune.
Ayon sa DICT, madi-deactivate ang SIM card ng mga user na hindi makakapagparehistro sa loob ng itinakdang araw.
Nito lamang Enero 25, nakapagtala na ang NTC ng nasa 25 milyon na rehistradong SIM card. Kumakatawan ito sa 15.09 porsiyento ng subscribers sa buong bansa.