Marc Pingris tumakbong naka-bra dahil sa panalo ng Blacklist

ABS-CBN News

Posted at Dec 21 2021 08:47 PM | Updated as of Dec 23 2021 10:18 PM

Screenshot mula sa Facebook ni Marc Pingris
Screenshot mula sa Facebook ni Marc Pingris

Tinupad ng dating professional basketball player na si Marc Pingris ang pangako nitong tatakbo sa kanilang lugar nang naka-bra lamang kapag nanalo ang koponan ng Pilipinas sa Mobile Legends: Bang Bang World Championship sa Singapore. 

Noong Linggo, matagumpay na nakuha ng Blacklist International ang kampeonato kontra sa koponan mula rin sa Pilipinas na Onic PH sa Suntec Singapore Convention and Exhibition Centre.

Kaya naman bilang pagtupad sa binitawang salita sa social media, tumakbo si Pingris suot ang itim na bra at shorts sa kanilang village nitong Martes. 

“Congrats sa Blacklist International!!! M3 World Champions! Patunay kayo na #PilipinasLangMalakas,” ani Pingris sa caption.

 

“At ito na nga... dahil nanalo kayo at nagpromise ako ito na tinupad ko na. Tumakbo ako sa village namin kanina na kakaiba ang suot. Katuwaan lang to guys. Proud lang talaga tyo sa naabot ng team nila.”

Biro pa ng basketbolista, bago umano ang bra na sinuot niya ngunit hindi galing sa asawang si Danica Sotto.

“Bagong bra yan ni Manang! Di pa nasuot ayaw ako pahiramin ni Danica Sotto-Pingris kung ano ano raw trip ko hehehe,” pabiro nitong dagdag. 

Noong Disyembre 11, sinabi ni Pinoy Sakuragi ang kaniyang pangako sa social media: “Kapag nanalo Pilipinas sa M3, tatakbo ako nang nakabra sa village namin.”

“Blacklist International, congrats sa inyo. Katulad ng promise ko, tatakbo akong nakabra sa village naming kahit nakakahiya,” pahayag ni Pingris habang tumatakbo.

Habang hinihingal sa pag-iikot nang naka-bra, binati rin nito ang runner-up na Onic PH.

“Sa Onic din, congrats din pala sa inyo. Kahit di kayo nanalo, para sa amin champion pa din kayo,” pahabol ng basketbolista. 

Ito ang ikalawang sunod na taon na nagkampeon ang Pilipinas sa kompetisyon matapos manalo ng Bren Esports sa M2 World Championships. 

Watch more News on iWantTFC