Mas mahabang oras para sa PE classes, iminungkahi

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2019 12:29 PM

MAYNILA -- Iminungkahi ng isang sports federation sa Department of Education na pahabain ang oras ng klase sa mga physical education (PE) subjects.

Ayon kay Mariano Araneta, pangulo ng Philippine Football Federation, bitin ang oras para sa PE at hindi masyadong nakapaglalaro ang mga bata.

Mula sa 30 minuto kada linggo, gusto ni Araneta na bigyan ng tig-iisang oras sa 3 araw sa isang linggo ang PE.

Naniniwala si Araneta na kung may sport at malakas ang pangangatawan ng bata, magreresulta rin ito ng maganda sa kanyang academics.

"Kung 30 minutes lang, walang mangyayari. That's why we have been clamoring to DepEd na i-extend ang time to play outside kasi importante sa bata 'yun," aniya.

Matapos naman ang kabiguan ng Philippine football team na makakuha ng medalya sa Southeast Asian Games, mas palalakasin daw ni Araneta ang training at exposure ng mga atleta.

Aminado si Araneta na hindi kasing sikat sa ibang bansa ang football sa Pilipinas kaya umaasa rin siya ng tulong sa Department of the Interior and Local Government na ibaba sa komunidad ang football sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga palaro sa mga barangay.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.