PatrolPH

Pagpayag ng magulang, 'bulok' na phone noo'y pagsubok ng national Mobile Legends players

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 03:47 PM

Pagpayag ng magulang, 'bulok' na phone noo'y pagsubok ng national Mobile Legends players 1
Bago maging mga professional na manlalaro, naging pagsubok para sa mga atleta ng Pilipinas sa larong Mobile Legends: Bang Bang ang lumang kagamitan maging ang pagpayag ng kanilang magulang. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Bago makuha ang gintong medalya sa Southeast Asian Games at bago makatungtong sa professional level ng paglalaro, nakaranas ng iba’t ibang pagsubok ang mga manlalaro ng Pilipinas sa laro sa Mobile Legends: Bang Bang. 

Ibinahagi ng ilang manlalaro na nagtiis sila noon sa mahinang signal at lumang cellphone bago masalang at mapili bilang sa mga atletang sasabak sa SEA Games 

"Naka-data lang ako noon naglalaro tapos cellphone na bulok pa, solo gamer lang walang team. Limitado ang oras kasi nag-aaral ako, tapos ayaw ng parents ko na magdamag akong naglalaro. Tapos ngayon, noong tinuloy-tuloy ko na, nakarating ako dito. Tapos ngayon, sobrang proud ako,” ayon sa kapitan nilang si Angelo Kyle "Pheww" Arcangel sa panayam sa ABS-CBN News noong Oktubre. 

Ang tank/support player na si Jeniel "Haze" Bata-anon, noo’y nagtiis na magbilad sa araw, makakuha lang ng signal sa araw ng mga tournament qualifier na sinasalihan noon. 

“Wala kaming internet... ‘Yung unang qualifier, sa labas pa ko ng bahay naglalaro para magkaroon ng signal, tapos nakabilad pa ko sa araw, tapos ayun, tamang ML-ML lang," kuwento niya. 

Isa kasi sa rekisito nang maayos na laro ay ang pagkakaroon ng magandang internet at cellphone. 

Naging pagsubok din para sa kanila ang pagpayag ng kanilang magulang. 

"Sinasabi ng magulang namin na puro laro lang kami, tapos hindi ko na lang iniintindi... Mayroon namang salary, perks, tulong. Nakakatulong na ako sa magulang ko at sobrang saya ko," ani Jay Torculas, tank/support ng grupo. 

Ganito rin ang naging problema ng 16 anyos na si Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno, ang pinakabata sa grupo pero napatunayan naman niya na kaya niya itong pagbalansehin. 

"Baka daw mapabayaan ang pag-aaral ko. Tapos doon pinatunayan ko po sa kanila na hindi po nakakasira ng pag-aaral 'yung pag-ML," ani Nepomuceno. 

Ngayon, nakamit na nila ang tagumpay, malaki ang kanilang pasasalamat sa mga sumuporta sa kanila. 

Maaalala na nung Linggo, Disyembre 8, humabol ang koponan ng Pilipinas sa Indonesia sa grand finals para makamit ang ginto --bagay na makasaysayan, ayon sa manager nilang si Jab Escutin. 

"Underdog story naman kasi 'yung favorite natin sa Philippines eh. So, I guess it all worked out. Kasi feeling kasi natin ‘yung paghihirap kasi historic nga ito. At least 'yung pinagdaanan nila this is very historic for us,” aniya matapos nilang mapanalunan ang ginto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.