BALIKAN: Mga atletang Pinoy na nagningning sa 30th SEA Games

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ibinida ng mga atletang Pinoy ang kanilang husay at lakas sa ika-30 Southeast Asian Games (SEA Games), dahilan para hakutin nila ang 387 medalya at tanghaling overall champion ng larong-panrehiyon.

Isa sa mga pinakatutukan ng madla ay ang world gymnastics champion na si Carlos Yulo, na nag-uwi ng 2 ginto at 5 pilak na medalya.

Gold din sa gymnastics ang inuwi ng cancer survivor na si Daniela dela Pisa.

Si Hidilyn Diaz, muling binuhat ang dangal ng bansa at nanalo ng kaniyang unang gold sa SEA Games.

Pinatunayan din ni Margielyn Didal kung bakit siya ang reyna ng skateboarding sa Asya matapos makakuha ng mga ginto sa ilang kategorya.

Ang ginintuang puso naman ni Roger Casogay ang bumida nang iligtas niya ang kapwa surfer na Indonesian sa gitna ng laro. 

Inahon naman ni James Deiparine ang Pilipinas nang masungkit niya ang unang gold ng Pilipinas sa swimming sa loob ng isang dekada. 

Unang ginto rin sa men’s tennis doubles ang inuwi nina Francis Alcantara at Jeson Patrombon sa loob ng 28 taon.

Ang men’s volleyball team naman, pinabagsak ang higante sa sports na Thailand at pumasok sa finals sa unang pagkakataon sa SEA Games mula 1977.

Umukit din ng kasaysayan ang women’s team sa basketball na nanalo ng gold sa unang pagkakataon. Sinabayan din ito ng panibagong gold ng men’s team.

Samantala, 2007 pa huling ginawa ang dancesport sa palaro pero nagpa-indak ulit ang mga Pilipinong mananayaw at nag-uwi ng 10 ginto.

Umulan din ng ginto sa boxing team ng Pilipinas, kabilang ang panalo ni Nesthy Petecio na nag-uwi ng kaniyang unang SEA Games gold.

May ginto na, may bagong national record pa si Kristina Knott sa women’s 200 meter sprint, na 33 taong hinawakan ng sports icon na si Lydia de Vega.

Ginto rin ang nakuha ni Philip Delarmino, ang dating mangangalakal ng basura na captain na ng men’s team sa muay thai.

Matapos naman ang injury, comeback para sa pole vaulter na si EJ Obiena ang ginto at ang pagbasag niya sa record ng SEA Games.

Comeback din para kay Jamie Lim ang nakuhang gold sa karate matapos tumigil nang 4 na taon para mag-aral. Inalay ng summa cum laude graduate ng UP ang ginto sa ama na si PBA legend Samboy Lim.

Unang beses ginanap ang underwater hockey, obstacle course race, at esports sa SEA Games, kung saan humakot ng medalya ang Pilipinas.

Pinatunayan ng mga Pilipinong atleta sa SEA Games na ang medalya ay hindi gawa sa ginto kundi ng pursigidong puso.
    

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games