SEA Games: Ginto sa Mobile Legends ‘makasaysayan’ para sa Pinas

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 01:12 PM

MAYNILA -- Sa Pilipinas napunta ang kauna-unahang gintong medalya sa Southeast Asian Games para sa esports -- o competitive video gaming -- matapos lampasuhin ang Indonesia sa iskor na 3-2 sa gold medal match para sa larong Mobile Legends: Bang Bang. 

At para sa koponan, makasaysayan ang nagawa ng Pilipinas lalo’t “dumaan sila sa butas ng karayom” para makamit ang tagumpay, ayon sa team manager nilang na si Jab Escutin. 

“‘Yung mga names nila hindi na ito mabubura sa history. First gold medal in esports, Philippines ang tumama,” ani Escutin sa isang press conference matapos ang laro. 

Bago makatungtong sa ginto, nakaranas ng iba’t ibang pagsubok ang Pilipinas, bagay na mahalaga para sa koponan. 

Pagkatapos pumangalawa sa Indonesia sa Group B sa qualifier rounds, napunta sa lower bracket playoffs ang Pilipinas -- kung saan mas marami ang nakaharap nilang mga kalaban. 

Kalauna’y natalo ng Pilipinas ang top-seed na Malaysia, na nangunguna sa Group A para makaharap muli ang Indonesia sa finals. 

Umabot pa sa match point ang Indonesia sa grand finals, pero hindi ito naging hadlang para manalo ang Pilipinas dahil sa kanilang pagpupursige. 

“Underdog story naman kasi 'yung favorite natin sa Philippines eh. So, I guess it all worked out. Kasi feeling kasi natin ‘yung paghihirap kasi historic nga ito. At least 'yung pinagdaanan nila this is very historic for us,” paliwanag ni Escutin. 

2019 SEA Games