PatrolPH

Water polo player na nanghihiram ng medalya dati, may silver sa #SEAGames2019

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 04:24 PM

Water polo player na nanghihiram ng medalya dati, may silver sa #SEAGames2019 1
Suot ni Romark Belo kaniyang silver medal matapos ang water polo sa 2019 Southeast Asian Games sa New Clark Aquatics Center. Romark Belo

NEW CLARK CITY—Di na kailangan pang manghiram ni Romark Belo ngayon ng medalya dahil may ipapakita na ito sa kaniyang pamilya. 

Sa katatapos lamang na men's water polo event sa 2019 Southeast Asian Games, tila may napatunayan na sa sarili si Belo na inaming mahina noon pagdating sa paglangoy — na kaya niyang maging matagumpay na atleta. 

Inuwi ng Philippine water polo team, na kinabibilangan ng 27 anyos na manlalaro, ang pilak na medalya upang putulin ang ilang taong paghihintay ng bansa na makatuntong sa podium ng isport. 

"Sa ngayon medyo 50% pa lang na nagsi-sink in na medalist na pala kami. Sa sobrang tagal kasi na walang medal ang Pilipinas sa water polo, kaya hindi pa rin kami makapaniwala," ani Belo sa ABS-CBN News.

Hindi napigilan ni Belo na may isa ng anak na alalahanin kung paanong minsan nanghihiram siya ng medalya para may maiuwi sa mga magulang dahil hindi ito nanalo sa mga swimming competition. 

"Nanghihiram ako ng medal sa pinsan ko and teammates para lang may maipakita sa magulang ko. Para naman ma-feel ko na proud sila sa mga ginagawa ko," ayon kay Belo na miyembro rin ng Philippine Navy. 

Hindi aniya siya kagalingan sa paglangoy noon kaya naman kahit inggit na inggit siya sa kaniyang mga naging teammate na laging nakakalabas ng kanilang lugar sa Puerto Princesa dahil lumalaban sa malalaking kompetisyon.

"Naiinggit ako sa mga teammates ko noon na palagi sila nakakalabas ng lugar, nakakasakay ng barko, eroplano. Palagi silang may supply ng jacket, damit, sapatos. So isang beses lang ako napili at nakalaro ng regional meet, doon pa ginanap sa lugar namin," kuwento pa ng atleta. 

Tamad din umano siyang mag-ensayo noon at minsan pang na-disqualify sa laban kahit tatlo lamang silang magkakatunggali. Naranasan na rin niyang tumigil sa gitna ng pool dahil walang ensayo.

Ngunit pinagpatuloy ni Belo ang paglangoy at naging manlalaro ng Emilio Aguinaldo College sa Maynila. 

Doon niya nakilala ang kaniyang coach na si Dale Evangelista na naging parte rin ng water polo team ng bansa. 

"Sumasama ako sa kanya sa training ng water polo. And then nung time na nag-retire karamihan sa kanila, nagkaroon ng water polo inter-school. So naglaro ako as a goalkeeper. And then napili ako sa try-out," pag-alala nito. 

Doon nagsimula ang karera nito sa isport na tuluyang naging miyembro ng national team at ngayo'y silver medalist na ng SEA Games. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.