Dating construction worker, gold medalist sa SEA Games 2019

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 03:33 PM

Wushu gold medalist Arnel Mandal at ang kaniyang mga magulang. ABS-CBN News

ILOILO CITY - Malaking tagumpay para kay Arnel Mandal ang magkamit ng gintong medalya sa Southeast Asian Games, lalo na't unang pagkakataon niyang sumali.

High school lang ang tinapos ni Mandal dahil sa kahirapan. Nagtrabaho ito sa construction bago sinubukan pag-aralan ang boxing. 

Pinasok din niya ang training sa wushu at dito na nagsimula ang kaniyang karera hanggang sa makamit ang tagumpay. 

Noong 2012, naging kinatawan siya ng Iloilo sa Batang Pinoy at nagkamit ng silver medal.

Nakakuha naman siya ng gold medal sa 13th World Wushu Championship sa Indonesia noong 2015.

Noong 2018 ay nanalo din siya ng gintong medalya sa Sanda World Cup sa China. 

"Sobrang saya kasi nandun lahat ng happiness sobrang hirap sa training. Natakot matalo kasi host country tayo. Alam kong always sila nag pi-pray para sa tagumpay ko," aniya.

Mga parangal na nakamit ni SEA Games wushu gold medalist Arnel Mandal. ABS-CBN News

Ipinagmamalaki naman ng kaniyang mga magulang si Arnel. Nakita kasi nila sa anak ang pagpursige na maipanalo ang bawat laban. 

“Umiiyak ako sa tuwa kasi matagal sabi niya pag nanalo ako sa SEA Games, marami akong matutulungan," ani Araseli Mandal, ina ni Arnel.

At dahil sa kaniyang pagsali sa mga kompetisyon sa labas ng bansa ay unti-unti niyang naiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya. 

Kung dati sa maliit na bahay lamang sila nakatira kung saan may tulo tuwing uulan, ngayon ay napagpatayuan na niya ng bahay ang kaniyang mga magulang. 

Naghahanda na rin si Arnel na maging ama dahil ngayong buwan inaasahan na manganganak ang kaniyang misis.

Pangarap ni Arnel na makasali sa Olympics at Wushu Sanda. Kapag nagkataon sisikapin umano niyang makuha ang pinakaunang gintong medalya sa Olympics para sa Pilipinas.

2019 SEA Games