PatrolPH

Matapos matalo sa SEA Games, Bata Reyes naiisip na rin ang retirement

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 06:37 PM | Updated as of Dec 06 2019 08:36 PM

Matapos matalo sa SEA Games, Bata Reyes naiisip na rin ang retirement 1
Habang tumatakbo ang kasalukuyang SEA Games, kuwento ni Bata Reyes, 65, na hirap na siyang ibalik ang dating husay dala na rin ng kaniyang edad. George Calvelo, ABS-CBN News

Hindi pinalad si Efren "Bata" Reyes sa kaniyang laban kontra Dinh Nai Ngo ng Vietnam sa Southeast Asian Games men’s 1-cushion carom nitong Biyernes.

Matapos matalo 100-14 sa Manila Hotel Tent, inamin ni Reyes na hindi na malayo ang posibilidad na magretiro siya mula sa isport.

“Di ko alam kung may laro pa ako o wala,” ani Reyes, na nag-uwi ng bronze medal.

“Hindi ko alam kung magre-retire ako o hindi, pero siguro malapit na,” 

Habang tumatakbo ang torneo, kuwento ni Reyes, 65, na di na niya kayang ibalik ang dating husay dala na rin ng kaniyang edad.

“Mahirap din. Pabago-bago na tira ko. Hindi na pagaling, pawala na,” paliwanag ng "the Magician."

Dagdag pa niya: “Siguro kung tira (ni Dinh), at ’yung tira ko noong araw, kaya ko siya. Baka lamang pa ako. Kailangan tumatakada rin ako ng mga 20, kaya ko naman dati. Kaya lang ngayon hanggang 2 na lang ako.”

Ayon kay Reyes, dahil limitado na ang kaniyang galaw, may mga tirang hirap na siyang gawin.

“Wala naman problema yung sakit sa laro, pero syempre kulang lang. Kamukha siya (Dinh) nakakapag-masse, ako rin kaya ko kaya lang hindi ko na magagawa ngayon. Ayaw na tumaas ng kamay ko,” aniya.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.