PatrolPH

#SEAGames2019: Stuntman, gym instructor bumida sa muay Thai

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 04:35 PM | Updated as of Dec 05 2019 04:46 PM

#SEAGames2019: Stuntman, gym instructor bumida sa muay Thai 1
Nag-uwi sina Jaerome Calica (kaliwa) at Joemar Gallaza ng ginto sa muay Thai nitong Miyerkoles. Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

SUBIC BAY FREEPORT—Labing walong taon mula nang huling lumahok sa Southeast Asian Games bilang wushu fighter, lalabang muli ang martial artist na si Jaerome Calica.

At sa kaniyang pagbabalik, ganap siyang naging 2-time SEA Games gold medalist sa ibang kategorya naman: muay thai waikru and mai muay competition.

Kuwento ngayon ni Calica, 34, nakatulong ang pagiging stuntman niya sa kaniyang pagkapanalo lalo na at kailangang magpakita ng ilang acrobatic moves sa larangan ng waikru and mai muay.

“Part time akong nag-stuntman, more than 10 years. Salitan ’yan sa pagiging fight choreographer o minsan muay Thai coach,” pag-amin ni Calica.

Hindi lang minsan siyang lumabas sa mga teleserye o pelikula kung saan kinailangan ang kaniyang expertise; kadalasan pa ay kasa-kasama siya ni Robin Padilla.

Pero sa kaniyang pagbabalik sa SEA Games kinailangan niya ng kapareha sa waikru at mai muay. Kasi kailangan niya ng katunggali para ipakita ang magilas na porma ng muay Thai.

Dito niya nilapitan si Joemar Gallaza na isa ring gym at martial arts instructor.

“Naghanap ako ng partner na marunong nang mag-martial arts, mag-stunt na kasingtangkad ko. Nahirapan akong maghanap, konting araw na lang ang natira bago ako nakakita ng partner,” aniya.

Dagdag naman ni Gallaza: “Napasok ako dito kasi minessage ako ni Jaerome naghahanap ng ka-tandem.” 

Nagpadala raw si Gallaza ng mga video ng kaniyang fight moves at pumasa naman ito kay Calica.

May halos anim na linggo silang nagsanay sa Thailand para paghandaan ang SEA Games.

Tagumpay naman sila kontra Malaysia, Indonesia at Vietnam sa kumpetisyon na ginanap sa Subic Bay Convention Center.

“Hindi ko ine-expect na makakabalik as a Philippine athlete sa age kong ’to. Pero alam ko namang kaya kong sumabay,” ani Calica.

Natuwa rin si Gallaza dahil naging SEA Games gold medalist siya sa una niyang salang.

“First time kong mag-compete dito po. Tapos beterano ang nakasama ko kaya inangat ko ang sarili ko para maging level kami,” ayon kay Gallaza.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.